DICT, nagbabala laban sa pag-abuso sa libreng WiFi service (Sabong News)
Author
Mer Layson
Date
MARCH 06 2023
MANILA, Philippines — Binalaan kahapon ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy ang publiko laban sa pag-abuso sa libreng WiFi services ng pamahalaan.
Ito ay kasunod nang paglulunsad ng “Broadband ng Masa” o “BBM” sa University of Antique na isang rebrand ng National Broadband Plan.
Layunin nitong mag-install ng mga WiFi sites sa buong bansa, partikular na sa mga remote areas.
Ayon kay Uy, hindi dapat na abusuhin at sa halip ay dapat na gamitin ng maayos ang libreng WiFi program upang hindi mapilitan ang DICT na lagyan ng restriksiyon ang paggamit nito.
Sa ngayon ay maaaring gamitin ng mga Pinoy ang mga ‘Broadband ng Masa’ sites ng unlimited at libre.
Gayunman, kung may makikita aniya silang mga iregularidad sa paggamit nito ay maaaring limitahan nila ito.
“Kung matino naman gumagamit, walang nang-aabuso, siguro hindi natin kailangan ilagay ang mga safeguards na ‘yan, pero kung ma-monitor naman ay ‘teka puro e-sabong ang ginagawa nitong mga koneksyon na ito’ dapat mag-intervene tayo,” aniya pa.
Ilan aniya sa posibleng interbensiyon na maaari nilang isagawa ay ang paglalagay ng limitasyon sa bilang ng oras ng paggamit ng isang tao kada araw, o di kaya at limitahan ang laki ng data na maaaring gamitin ng isang tao kada araw.
Iba-block rin aniya nila ang mga porn sites, gayundin ang mga gambling sites.