4 timbog sa online sabong (Sabong News)
Author
Tony Sandoval
Date
SEPTEMBER 29 2021
TIAONG, Quezon, Philippines — Kulungan ang binagsakan ng apat na lalaki matapos na maaktuhang nagsusugal ng “talpak” o online sabong kamakalawa ng gabi sa Sitio Pinaglaban, Barangay Lusacan sa bayang ito.
Kinilala ng pulisya ang mga naaresto na pawang mga mananaya na Sina Charlie Pana, 28 ng Barangay San Isidro, Norlito Mendreje, 41, Robert Aquino, 38, at Richard Magno, 43,pawang mga residente sa Barangay Lusacan samantalang nakatakas naman ang itinuturong operator ng iligal na sugalan na si Allan Guerra, ng Barangay San Isidro.
Ayon sa ulat, ganap na alas-7:20 ng gabi ay nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na may nagsusugal sa naturang lugar kung kaya’t agad silang nagsagawa ng impormasyon.
Hindi na nakatanggi ang mga suspek nang maaktuhan silang nagsisigawan na animo’y nasa harap ng ruweda ng sabungan habang nanonood ng online sabong o “talpak”.
Nang hanapan kung mayroon silang permiso mula sa PAGCOR ay walang maipakita ang mga mananaya at habang isinasagawa ng mga otoridad ang pagtatanong ay sinamantala naman ng operator na si Guerra na tumakas.
Na-recover mula sa bahay na pinagdarausan ng talpak ang isang laptop computer at cash na P1,320.00.