Manila baragay treasurer, 3 pa tiklo sa sabong (Sabong News)
Author
Danilo Garcia
Date
APRIL 13 2020
MANILA, Philippines — Apat na lalaking sugarol kabilang ang isang barangay treasurer ang inaresto ng mga otoridad nang salakayin ang isang tupadahan kamakalawa ng hapon sa Malate, Maynila.
Ang mga naaresto ay kinilalang sina Victor Serano, 57, treasurer ng Barangay 708 Zone 78 District V, Malate, Maynila; Emilio Burce, 33; Jimmilito Vallejo, 42; at Bienvenido Calugay, 32.
Sa ulat, alas-5:00 ng hapon nang salakayin ng mga tauhan ng Barangay 701 sa pangunguna ni Kagawad Edison Zabala ang isang eskinita sa may Marbella corner MH Del Pilar Street makaraang makatanggap ng sumbong na may nagaganap na tupada.
Nagpulasan ang mga lalaking naroon ngunit nagawang madampot ng mga otoridad ang apat na suspek na kinasuhan sa paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling, Republic 11469 (Bayanihan to Heal as One Act) at Republic Act 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Event of Public Health Concern Act).