8 sabungero huli sa tupada (Sabong News)
Author
Christian Ryan Sta. Ana
Date
FEBRUARY 09 2021
GAPAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Walong sanbungero ang arestado na nagsasagawa ng ilegal na sabong o tupada matapos ang ginawang pagsalakay ng mga pulis sa Sitio Sapang Kawayan, Brgy. Macabaklay, dito, kamakalawa.
Kinilala ni P/Lt. Col. Edilmar Alvia, acting chief of police rito, ang mga nasakoteng sina Joselito Catacutan, 51, may-asawa, negosyante; Rolando Razon, 29, may-asawa, helper; Juanito Ybañez, 69, binata, street sweeper, at Christopher de Guzman, 45, binata, magsasaka; pawang ng nasabing lugar; ang financier ng tupada na si Jefferson Valeroso, 23, binata, mekaniko ng Sto. Tomas, Peñaranda, NE; Ruben Santos, 44, may-asawa, isang obrero ng Brgy. Maburak; Johnny Ortiz, 64, binata ng Brgy. Malimba at Wilson Trinidad, 39, may-asawa, obrero ng Kapalangan; pawang ng nasabing lungsod.
Nabatid na isang impormante ang nagtimbre sa pulisya kaugnay sa nagaganap na ilegal na sabong sa may tagong lugar bandang alas-12:30 ng tanghali. Rumesponde ang pulisya at naaktuhan sa lugar ang mga suspek sa kasagsagan ng laban ng kanilang mga manok. Nakumpiska ang dalawang panabong na manok at P4,720 na pantaya ng mga sabungero.