Sumisibol na coaching brand (Sabong News)
Author
Nelson Beltran
Date
NOVEMBER 18 2022
Hindi puwedeng hindi mapansin ang daluyong ng Converge FiberXers sa kanilang unang tournament sa ilalim ni coach Aldin Ayo.
Mainit. Mabagsik. Nakakabilib.
Siguradong hindi na tsamba ang kanilang ratsada kung hindi produkto ng matibay na coaching scheme na niyakap, pinaniwalaan at ipinaglalaban ng FiberXers.
Kung ngayon na nga ang botohan para sa mga individual awards, malamang na runaway winner si Ayo bilang Coach of the Year.
Sa sampung laro, hindi lang sila nakalusot sa Magnolia at sa Bay Area Dragons.
Ilang batikang coaches na ang sinilat ni Ayo.
Dahil dito, in contention ang Converge na tumapos sa Top 2 at makasungkit ng twice-to-beat bonus sa quarterfinals.
NorthPort at Barangay Ginebra ang natitirang balakid sa hangarin nilang mag-Top 2.
Kung tatalunin nila ang Ginebra, malaking-malaki na ang kanilang tsansa.
Pero iyon ay malaking “KUNG” lalo na at naghahabol din ang Gin Kings ng parehong hangarin.
Magandang sabong ang Ginebra-Converge tiff. At magandang side battle ang tapatan ng isang beteranong coaching genius vs sumisibol na coaching talent.