Operator ng sabungan itinumba sa Batangas (Sabong News)
Author
Ed Amoroso
Date
NOVEMBER 12 2022
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Patay ang operator ng isang cockpit arena matapos na pagbabarilin ng armadong kalalakihan habang pauwi s kanyang tahanan sa Tanauan City, Batangas, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Lt. Col. Karlos Pablo Lanuza, hepe ng Tanauan City Police ang biktima na si Joselito De Chavez, 47-anyos, operator ng sabungan at mayroon ding money lending.
Sinabi ni Lanuza na namatay ang naturang negosyante habang nilalapatan ng lunas sa DMMC Hospital.
Sa imbestigasyon, kagagaling lang ni De Chaves mula sa kanyang sabungan at pauwi na sa kanyang bahay at minamaneho ang kanyang and Nissan Navara (NGD-1040) nang siya ay atakihin ng hindi pa batid na bilang ng armadong suspek sa madilim na bahagi ng Barangay Natatas, Tanauan City, dakong alas-8:30 ng gabi.
Bumuo na, ayon kay Lanuza, ng isang special team na tututok sa imbestigasyon sa pagpatay sa biktima.
Sinisilip ng mga imbestigador ang mga anggulong “work-related”, “loan shark issue” at “love angle” na motibo sa pagpatay sa biktima.
Tatlong indibiduwal ang kinokonsidera ng pulisya na persons of interests sa pagpatay.
“We are conducting backtracking and reviewing three video footages of the close-circuit television camera installed near the crime,” pahayag ni Lanuza.