Ping kay Miriam: Sira ulo! (Sabong News)
MANILA, Philippines – Tinawag na luka-luka ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson si Sen. Miriam Defensor Santiago matapos muli siyang banatan ng senadora sa isang forum nitong Biyernes.
"Kung hindi ba sira ulo niya, una, nilinaw ko nang ilang beses na hindi ako bakla," sabi ni Lacson.
Sa isang forum nga mga nars sa Manila Hotel, muling pinasaringan ni Santiago ang kanyang mga kaaway sa pulitika, kabilang ang inilarawan niyang isang senador na dating heneral na utak sarhento.
Tanging si Lacson lamang ang dating police director general sa Senado.
"The thing is, I won't start a fight with anybody as I did not initiate this quarrel with her; neither will I turn my back," sabi ni Lacson sa text messages sa mga mamamahayag.
Aniya, wala sa tamang pag-iisip ang senadora at kurakot.
"Pangalawa, ang isyu laban sa kanya ay graft dahil ginamit niya ang pera ng bayan para ibayad sa sarili niya. Pangatlo, ang extension office ko ay nasa 5th floor din ng senate building," pahayag ng dating police general.
"Hindi ako tulad niya na kurakot. Wala akong naibulsang pondo sa buong panahon na naglingkod ako sa gobyerno at hindi ako marunong tumanggap ng suhol. Eh, siya kaya?," dagdag ng senador.
Nangako si Lacson na sa bawat patama ni Santiago ay may isasagot siya.
"If she insults me, I'll insult her back and more harshly. But I will tell the cruel truth about her if she spreads lies about me," sabi ni Lacson.
Inungkat ni Santiago sa kanyang talumpati sa harap ng mahigit sa 1,200 nars ang isyu ng pamumudmud ni Senate President Juan Ponce Enrile ng P2 milyon bilang Christmas bonus nitong Disyembre lamang.
Nakatanggap ng P250,000 ang senadora mula sa opisina ni Enrile ngunit ibinalik niya ito at isinawalat sa media ang ginawang pamimigay ng pera.
Ipinaliwanag din ni Santiago ang kanyang pag-upa sa 450 square-meter na opisina sa isang gusaling pagmamay-ari ng kanilang pamilya dahil aniya, masyadong maliit ang opisina niya sa Senado sa lungsod ng Pasay.
Sinabi ng senadora na may halos 50 siyang tauhan at mga libro kaya naman rumenta siya ng satellite office.
Sinagot din ni Santiago ang mga alegasyon na ginamit niya ang kanyang pork barrel upang ipatayo ang sabungan sa lungsod ng Pasig at inamin na ang kanyang asawa ay mahilig sa sabong, na isa rin breeder at organizer ng mga laban.
Pero iginiit ni Santiago na hindi hahayaan ng Department of Budget and Management (DBM) ang paggamit ng pork barrel upang magpatayo ng sabungan, upang sagutin ang mga paratang ni Lacson.
Sinabi naman ni Lacson na huwag nang dalhin ni Santiago ang kanyang mga isyu sa media bagkus ay sagutin na lamang ang mga kaso niya sa Ombudsman.
"Makabubuting sagutin na lang niya nang matino at hindi parang luka-luka, ang graft cases niya sa ombudsman," dagdag ni Lacson sa mga magkakasunod na text messages.