Mga suki ng lotto, tinawag ni Garma na ‘heroes’! (Sabong News)
Author
Non Alquitran
Date
OCTOBER 13 2021
TINAWAG ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma na “heroes” ang mga Pinoy na patuloy na tumatangkilik sa kanilang gaming products dahil sa malaking tulong ng mga ito sa pagkalap nila ng pondo para makatulong sa mahihirap na maysakit at maging sa gobyerno. “Salamat po sa lahat ng mananaya ng Lotto. Kayo po ‘yung aming hero, kayo po ‘yong katuwang ng PCSO para madugtungan ang buhay ng ating mga kababayan na higit na nangangailangan ng pinansyal para po makabili ng mga gamot,” ani Garma.
Pinasalamatan ni Garma ang kanilang mga suki matapos i-turnover ang tseke na nagkakahalaga ng P1 bilyon kay Purita Belgica, collecting officer ng Bureau of Treasury sa isang simpleng seremonya sa PCSO office noong Lunes. Nauna rito, lumiham ang Department of Finance sa PCSO at humingi ng karagdagang pondo galing sa kanilang dibidendo mula sa kanilang retained earnings na nakalagak sa Charity Fund ng ahensiya noong 2019. Hihihi!
Sunud-sunod ding mga suki ng PCSO ang naging milyonaryo noong nakaraang Setyembre dahil sa pagkapanalo nila sa Lotto at maging ang gobyerno ni President Digong ay nakinabang dito, di ba mga kosa? Dipugaaaaaa!
Ipinaliwanag ni Garma na ang P1 bilyon na nai-turnover sa Treasury ay dagdag sa naunang P3,219,815,647 na ni-remit nila sa DOF noong 2019. Ang mahigit P3 bilyon na pondo ay bahagi ng 50 porsiyentong maximum compliance sa ilalim ng RA 7656 na net earning of PCSO sa taon na ‘yaon. Ang pag-remit ng earnings net of tax ng PCSO sa DOF ay alinsunod sa RA 7656 of 2019 na aprubado ng Commission on Audit (COA), ani Garma.
Tiniyak ni Garma na patuloy lang ang PCSO sa pagkaloob ng pondo para sa health care programs ng gobyerno ni President Digong, lalo na’t dumarami ang bilang ng maysakit na Pinoy ang humihingi ng atensiyong medikal sa panahon ng pandemya. Tumpak! Hihihi!
Kaya nananawagang muli si Garma sa mga Pinoy na tangkilikin ang mga gaming products ng PCSO dahil malaki ang pag-asa sila’y maging milyonaryo at makakatulong pa sila sa gobyerno, lalo na sa maysakit na kababayan natin. ‘Wag na tumaya sa jueteng, lotteng, online sabong, e-sabong at iba pa dahil ang nabubusog lang ay ang bulsa ng mga gambling lords. Araguuyyyyy! Dipugaaaaa!
“I would like to thank ‘yong mga suki naming manlalaro ng PCSO, especially our agents na since last year 2019 nag-lockdown, they sacrifice their lives para lang po tuloy ‘yong palaro ng PCSO. They were able to comply with all the required contributions since the lockdown last year. They did not fail our government in providing funds,” dagdag pa ni Garma.
Kung sabagay, mula Marso last year, ang PCSO ay nag-donate ng P300 milyon sa mga government hospitals para sa kanilang medical access programs (MAP). Naglalabas din ang PCSO ng pondong P7 milyon o P8 milyon kada araw para sa chemo drugs, dialysis medicines, at financial assistance sa mga medical bills ng mga maysakit na mga Pinoy! Kaya mga kosa, ano pa ang hinihintay n’yo? Tumaya na sa lotto! Dipugaaaa! Abangan!