Tatlong Pinoy, bagong milyonaryo dahil sa lotto! (Sabong News)
Author
Non Alquitran
Date
OCTOBER 03 2021
MANILA, Philippines — Hindi pumapalya ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap na mga Pinoy na may sakit, lalo na’t patuloy na rumaragasa ang pandemya sa Pinas. Nitong nakaraang buwan lang, umabot sa P202.2 milyon ang ipinamudmod ni PCSO General Manager Royina Garma sa 24,360 eligible beneficiaries sa buong bansa sa pamamagitan ng proyektong Medical Access Program (MAP).
Kaya paulit-ulit na nanawagan si Garma sa mga gambling afficionado na tangkilikin ang gaming products ng PCSO dahil may tsansa na ang mga Pinoy na maging milyonaryo at nakakatulong pa sila sa mga kababayan nilang mahihirap. ‘Wag nang tumaya sa jueteng, lotteng, EZ2, ending, e-sabong at iba pang palaro na hindi saklaw ng PCSO dahil ang nabubusog lang ay ang bulsa ng gambling lords. Araguuyyyy! Hihihi! May punto si Garma dito, di ba mga kosa? Mismoooooo! Dipugaaaaaaa!
Ang pinakamalaking tumanggap ng biyaya sa PCSO ay itong Metro Manila kung saan nag-release ang MAP ng P41.1 milyon para sa 4,335 na may sakit. Sa Northern at Central Luzon ang binitiwang pondo ay P52.2 milyon para naman sa 3,439 pasyente samantalang P43.8 milyon naman ang para sa 5,756 na may sakit sa Bicol region. Sa Visayas, 5,367 katao ang nabigyan ng ayuda na nagkakahalagang P35.2 milyon at P29.9 milyon naman ang para sa 5,463 pasyente galing sa Mindanao.
Itong MAP mga kosa ay dating tinatawag na Individual Medical Assistance Program (IMAP) kung saan dinisenyo para tulungan ang mga maysakit na mahihirap na Pinoy, lalo na sa aspetong hospital confinement, chemotherapy, dialysis at post-transplant medicines. Siyempre ang pondo ay galing sa mga kita ng gaming products ng PCSO. Dipugaaaaa!
Nitong nakaraang linggo lang tatlong buwenas na parukyano ng palarong lotto ng PCSO ang mga bagong milyonaryo sa bansa. Noong Martes, taga-Cebu ang tumama sa P36 milyon na jackpot prize samantalang kinabukasan ang winning bettor naman ng P54 milyon ay tumaya sa Misamis Oriental. Ang pangatlong tumama noong Biyernes ay taga-Malvar Batangas na nag-uwi naman ng P8.9 milyon. Hihihi!
Kahit sunud-sunod pa ang mananalo ng milyones sa lotto at iba pang gaming products ng PCSO, hindi natitinag si Garma dahil P1 bilyon ang pondo para rito. Dipugaaaaaa! Abangan!