San Leonardo, N.E. Mayor Nagaño, idikdik mo ‘to sa kukote mo! (Sabong News)
Author
Ben Tulfo
Date
OCTOBER 01 2021
Ang pagiging mayor ay pagiging ama ng iyong bayan. Maging halimbawa ka sa iyong nasasakupan.
Ngayong panahon ng pandemya, dapat mong isaalang-alang ang kaligtasan ng mga residente na huwag kumalat ang COVID-19 virus partikular ang Delta variant, meron kayong 16 na tinamaan diyan. ‘Wag kang maging pasimuno ng pagiging pasaway at kalokohan.
Nitong Lunes, ni-raid ng National Bureau of Investigation (NBI)-Special Project Team ang event center niyo diyan kung saan nagaganap ang online sabong. Umabot sa 250 katao ang naaktuhan sa loob ng event center at inaresto ng NBI. Malinaw mong nilabag ang health protocol ng ating pamahalaan.
Katwiran mo raw, meron daw kayong prangkisa sa Pagcor. Ang problema mo, wala pang “notice to commence.” Ibig sabihin, ‘di mo dapat inumpisahan ng wala pang pahintulot.
Bagama’t nag-issue ng refer for further investigation (RFI) ang piskalya, hindi ibig sabihin, puwede kang magpa-online sabong ulit hanggang ‘di ka binibigyan ng go signal ng Pagcor.
Nakaabot sa amin, ikaw raw ang may prangkisa ng online sabong na ‘to.
Nitong Miyerkules, inulit mo na naman kaya nilusob ka na naman daw ng Philippine National Police Region 3. Kinumpirma ito ni Regional Director BGen. Val De Leon, wala pa kayong clearance na mag-umpisa.
‘Wag kang adelantado, maghintay ka. Katunog ng adelantado ang salitang tarantado. Katarantaduhan ang desisyon mo.
Gusto mo yatang dumami ang kaso ng Delta variant diyan sa Nueva Ecija. Kami sa BITAG, babantayan namin kapag tumaas ang COVID-19 diyan sa Nueva Ecija. Ikaw ang hahambalusin ko. Sige, mangatwiran ka – sagot! Kung gusto mo, kung ayaw mo – lalo kitang babantayan kung ipagpapatuloy mo ‘yang katigasan ng ulo mo.
Malapit na ang eleksiyon kolokoy, umayos ka!