Lifestyle check iniutos ni Bato, ampaw? (Sabong News)
Author
Non Alquitran
Date
JULY 20 2016
Ipina-raid ni NCRPO director Chief Supt. Oscar Albayalde ang peryahan ni alyas Marissa sa Lakandula St., sa Tondo at apat katao ang naaresto. Ang mga naaresto ng taga-RPIOU ay itong sina Loida Faustino, John Lawrence Cruz, Arnulfo Molina at Jefferson Rejano. Kaya naman ipina-raid ni Albayalde ang peryahan bunga sa sumbong na nagugumon ang mga kabataan sa lugar sa larong drop ball at color games. Sa totoo lang kasi, mini-carnival ang permit nitong peryahan ni Marissa at dapat rides lang ang i-offer n’ya sa kanyang mga kliyente subalit nagpa-sugal s’ya dahil patok ito sa mga mahihilig magsugal. Wala naman tayong away dito ke Marissa mga kosa, subalit madaming nakarating na reklamo sa akin kaya’t napilitan ta-yong pitikin ang kanyang ilegal na negosyo. Ang payo ko kay Marissa, magpa-rides o pa-bingo na lang s’ya para hindi ma-raid ang mga ito ng tropa ni Albayalde dahil legal ang mga ito. Sa mga gusto namang pumadrino para kay Marissa, SORI Po!
* * *
Marami ang nagtaas ng kilay dito sa kautusan ni PNP chief Dir. Gen. Ronald de la Rosa na lifestyle check sa halos 160,000 nating kapulisan sa bansa. Sinabi ng mga kosa ko na kapag sineryoso ni Bato itong lifestyle check n’ya sa PNP, baka s’ya na lang at mga bagong graduate ng PNPA ang matitira sa mga opisyales ng kapulisan natin. Bagsak ang 90 percent ng opisyal ng PNP t’yak, anang mga kosa ko. Matatandaan na madaming lifestyle check na ang iniutos sa mga opisyales ng PNP natin subalit maraming taon na ang nakalipas ay wala pang napatunayang lumabag dito. Ang ipinakahuling ma-lifestyle check ay itong si dating PNP chief ret. Gen. Alan Purisima subalit ano ang nangyari sa kaso? Eh di wala, di ba mga kosa? Maaring nakaharap sa ngayon si Gen. Purisima ng apat na kasong plunder subalit wala pa akong marinig na resulta sa lifestyle check n’ya at maging sa mga iba pang opisyales ng PNP na sumailalim dito. Kaya nagtaas ng kilay ang mga kosa ko sa lifestyle check na iniutos ni Bato ay dahil alam nila pam-propaganda lang ito at hindi s’ya seryoso. Punyeta! Sa ngayon pa lang nga ay walang ugong na kumikilos na mag-lifestyle check sa mga kapulisan natin, di ba mga kosa? Tumpak!
Sa totoo lang, ilan bang mga pulis natin ang mahilig maglaro ng golf? Masyadong mahal ang sports na ito at bawa’t galaw ng player ay binabayaran. Saan kukuha ng panggastos ng mga pulis natin sa paglaro ng golf, sa suweldo nila? Eh di lagot sila ke Misis? Madami din tayong pulis na nakikita sa casino, at kung hindi man sila players, aba me negosyo sila doon. Saan sila kukuha ng kapital? Sa suweldo nila?, Ano bali? Madami din sa mga pulis natin ang adik sa bisyong sabong. At saan din sila kukuha ng pansa-bong? Maging sa mga nightclub at beerhouse ay halos puro pulis na ang kliyente sa ngayon, pero dito wala silang gastos kundi oras lang, at kasama nila kadalasan ang mga kasamahan ko sa media. Hehehe! Kayo lang ba ang mahilig mag-OTH?
Kung seryoso itong si Baton na linisin ang hanay ng kapulisan, hindi lang ‘yaong pinagsuspetsahang sangkot sa droga ang isama n’ya sa lifestyle check, kundi ‘yaong mga gambling lords na pulis at maging ang mga tong collector. Siyempre, unahin n’ya ang mga hepe ng City Hall detachments na ang mga personnel ay ginagawang kolektor ng mga pulitiko sa illegal gambling at iba pang pagkakakitaan, di ba Chief Insp. Bernabe Irinco Sir? Maliban kay Irinco, ipa-lifestyle check mo din Gen. Bato Sir, itong gambling lords na sina SPO3 Gener “Paknoy” Presnedi ng MPD, at SPO4 Roberto “Obet” Chua ng CIDG at mga tong collectors na sina SPO2 Joel Aquino, at SPO1 Ruel Robles ng City Hall detachment at SPO2 Antonio “Bong” Cruz ng Station 11. Kapag positibo ang resulta ng lifestyle check kina Irinco, Presnedi, Chua, Aquino, Robles at Cruz, baka maniwala na ang mga kosa ko na seryoso talaga itong si Bato. Abangan!