Pekeng memo sa modernisasyon ng sabong, kumakalat - DILG (Sabong News)
Author
Mer Layson
Date
OCTOBER 16 2022
MANILA, Philippines — Nagbabala kahapon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa isang kumakalat na pekeng memorandum circular na naglalaman ng mga panuntunan kaugnay sa modernisasyon ng tupada o sabong sa bansa.
Sa isang pahayag, nilinaw ng DILG na ang naturang dokumento, na walang numero at hindi pirmado, ay hindi ginawa, inilabas o inisyu ng kanilang departamento.
“An alleged unnumbered and unsigned Memorandum Circular with subject Guidelines on the Modernization of Cockpit Operations or Cockfighting in all Local Government Units (LGUs) in the Philippines is now circulating,” anang DILG.
“As it is not an official document, it is fake, thus bears no force and effect,” ayon pa sa DILG.
Inihayag din ng departamento na ang kanilang pinakahuling direktiba hinggil sa operasyon ng cockpits ay ang DILG Memorandum Circular No. 2022-003 na may petsang Enero 19, 2022.
Sa ilalim ng naturang memo, pinapayagan ang operasyon ng mga sabungan at tradisyunal na sabong sa ilalim ng alert level 2 o mas mababa pang alerto, kung walang pagtutol dito ang mga kinauukulang lokal na pamahalaan at kung istriktong naoobserbahan ang mga health protocols na ipinaiiral ng pamahalaan laban sa COVID-19.