3 parak, 120 pa dakma sa tupada (Sabong News)
Author
Raymund Catindig
Date
DECEMBER 22 2018
MANILA, Philippines — Sa kalaboso ang bagsak ng tatlong alagad ng batas at mahigit pang 120 katao matapos salakayin ng mga otoridad ang isang ilegal na tupada sa Vargas Cockpit Arena sa Brgy. Pengue Ruyu Tuguegarao City, sa lalawigan ng Cagayan, kamakalawa.
Kinilala ni Supt. George Cablarda, hepe ng PNP Tuguegarao City ang mga nasakoteng pulis na sina SPO1 Elwood De Leon ng Peñablanca, SPO2 Jeoffrey Furigay ng Amulung, Cagayan Police Station at si PO3 Agapito Iringan Jr. Calanasan, Apayao Police Station.
Arestado rin ang mga operator ng tupada na sina Jose Carag 67, Jose Luis Carag 37, Teresa Cauilan 47, Olivia Calagui 47 at 117 mga nadatnang parukyano ng sabong.
Ayon sa ulat, dinisarmahan din ng mga nang-raid na pulis ang kanilang mga arestadong kabaro ng kanilang cal.9mm pistol na service firearms. Nasamsam din ang mahigit P40,000 cash na nakolektang taya sa sabong at mga sound system equipments.
Sinampahan na ng kasong kriminal ang tatlong pasaway ng pulis na nanganganib na masibak sa serbisyo.