Sinseridad ni Digong, sinasabotahe ng mga ulupong! (Sabong News)
Author
Kokoy Alano
Date
AUGUST 10 2018
MALABONG magtagumpay ang mga programa ng gobyerno, kung ang mismong isinusugo ni Pres. Digong Duterte sa pagpapatupad nito ang kumukontra. Malinaw na sa simula pa lamang ay nagdeklara na si Digong ng giyera laban sa bawal na droga at korapsiyon, pero parang mga bingi at bangag sa direktibang inihabilin ni Digong ang mga naunang itinalaga nito sa mga pangunahing ahensiya ng gobyerno. May mga suwail na natigbak, pero ang pumalit ay kuwestiyonable pa rin ang liderato. Ang kultura nga naman. He he!
• • • • • •
Dalawang taon nang isinusulong ni Digong ang war on drugs na balikatang tinatrabaho ng mga matitinong pulis na ikinamatay pa ng iba ang malinaw na nasasabotahe ng mga tiwaling pulis na bukod sa gumagamit at sangkot sa bentahan ng bawal na droga ay pumapatay pa ng mga kasamahan nila.
Delubyo ang hinaharap ng liderato ni PNP chief Oscar Albayalde at NCRPO chief Guillermo Eleazar laban sa mismong tauhan nila na nasasangkot sa bawal na droga, kidnapping at extortions.
Ganito rin ang problema nina BOC Commissioner Isidro Lapeña at BID Chief Jaime Morente dahil minana nila ang bulok na sistema at kultura na kinulapol ng pulitika sa mga ahensiya nila, kaya sila ngayon ang napapagbuntunan ng intriga na nakasawsaw sa lagayan sa paglabas-masok ng mga illegal alliens at illegal na kargamento sa bansa. Maliban na lang kung nakikinabang din talaga sila!
On-line gambling, tigbakin na rin!
Lalong dumagsa ang mga illegal na hanapbuhay at prostitusyon dahil sa pag-usbong ng mga on-line gambling centers at marami nang pamilya ang nawasak dahil sa kawalan ng kontrol ng mga adik sa sugal na nauuwi sa pangungutang, pagnanakaw kasabay ng paglaganap ng kaso ng panghoholdap, cyber extortions, kidnappings at ang pinakamalala ay pagbebenta ng bawal na droga.
Makakapaglaro na ang isang ordinaryong tao ng mga sugal baraha at sabong saan mang lugar ngayon, na ang lumalabas na promotor ay ang mga lokal na pamahalaan. Wala nang konsensiyang pinaiiral ang mga mayor at konseho na ang executioner ay ang mga hepe ng business permit and licensing office (BPLO) ng kani-kanilang pamahalaan na nagbibigay ng permiso sa on-line gambling. Tama po ba Mam Andrea Domingo? Naku ha!