Goma mabilis nakasundo ang mga kalaban sa Asian Games (Sabong News)
Author
Ed de Leon
Date
AUGUST 23 2018
Noong ma-contact ulit namin sa pamamagitan ng private messaging si Mayor Richard Gomez, aba eh proud naman siya sa nangyayari sa ating delegation sa ASIAD (The Asian Games) na kanyang pinamumunuan.
Ngayon nanalo na ng gold medal si Hidilyn Diaz, na itinuturing ngayong pinaka malakas na babae sa Asya nang buhatin niya ang 115 kg., na siyang record naman niya. Ang panalo ni Hidilyn sa weightlifting ay nakapagpaganda ng standings ng Pilipinas na ngayon ay mayroon ng isang gold at apat na bronze medals.
Ang isa pang sinasabi ni Mayor Goma ay ang naging laro ng ating basketball team kontra sa China. Ang inaasahan ng iba ay tatambakan tayo ng China, pero nalamangan pa natin at kung naipasok ang ilang shots na medyo sumablay panalo na sana tayo. Nalamangan tayo ng China ng 2 points lamang, at iyan ay isang napakagandang record para sa isang team na nabuo lamang ng dalawang linggo, dahil nasuspinde nga ang mga player ng Team Gilas. Baka nga kung natuloy ang Gilas hindi pa ganyan ang naging laro. Mas matindi ang Team Pilipinas talaga, kasi naglalaro sila para sa bayan.
Sa itinatakbo naman ng ating team, maganda na ang ganyang laro, after all ang sabi nga ni Mayor Goma, nariyan tayo para ipakita ang ating kakayahan, hindi lamang para manalo ng medalya. At totoo rin naman na ang sports, hindi kagaya ng sabong na kailangan manalo ka. Sa sports ang isang mahalaga ay nai-establish mo ang diplomacy sa ibang mga bansa.
Iyan ang isa pang nagiging tagumpay ngayon ni Mayor Goma, ang foreign diplomacy, na sinasabi nga ng mga kasama niya, napakabilis niyang makipagkaibigan sa ibang mga delegation. Eh sanay iyan eh, nakalimutan na ba ninyo na isang actor si Goma, at sa showbusiness, number one ang pakikisama.
Mabuti naman at walang masamang nangyari sa motorcycle rider na nabundol ni Daniel Matsunaga. Isinugod iyon sa ospital at galos lang naman pala ang nangyari. At pagkatapos na madala sa ospital, nagkita naman pala ang biktima at si Daniel sa presinto ng pulisya kung saan sila nagkasundo na pananagutan ni Daniel ang lahat ng kanyang gastos sa pagpapagamot at kung ano mang istorbo ang idudulot pa noon sa kanya.
Totoong nalampasan pa ni Daniel ang kanyang nabundol dahil hindi siya aware na may natamaan siya. Malakas nga kasi ang tugtog ng music sa kotse niya. Pero noong abutan pala siya at sabihan, mabilis siyang bumalik doon sa lugar at tinulungan pa ang biktima.
Kaya nga ang sabi noong isang naka-witness, “hindi tumakbo si Daniel Matsunaga. In fact tinulungan niya ang biktima.” Pinatunayan pa iyon ng isang picture kung saan naroroon si Daniel bago pa man madala sa ospital ang biktima.
Napag-uusapan nga noong isang gabi na sa showbiz marami ring hustlers, at nasa inyo na iyan kung magiging biktima nila kayo. Maraming magaling mag-drama para lang magkaroon ng pera. Hindi na bagong kuwento iyan. Kaya ang masasabi ko lang sa iyo Direk, matuto ka na sa buhay. Kung alam mong niloloko ka na, tama na.
Iyan ba namang tanda mong iyan sa showbiz, naloloko ka pa?