Color games sa peryahan, magbubukas na sa ‘Ber’ months! (Sabong News)
Author
Non Alquitran
Date
AUGUST 23 2018
PAPASOK na ang “Ber” months at tiyak magsusulputang parang kabute ang mga peryahan sa lahat ng sulok ng bansa. Alam n’yo mga kosa, dito sa peryahan ay may palarong color games, drop ball at iba pa na kinagigiliwan ng mga Pinoy na mahilig magsugal. Itong peryahan ay itinatayo lang kapag may fiesta at kung ano pang malaking okasyon sa barangay, bayan o probinsiya. Subalit alam naman natin mga kosa na mas maraming peryahan tuwing “Ber” months siguro dahil tapos na ang gastusan sa enrolment ng mga bata at bigayan pa ng mga bonus at 13th month kaya naglabasan ang mga sugarol. Siyempre, hindi naman mangangahas ang mga pulis na pigilin o wasakin itong peryahan na itatayo sa mga nasasakupan nila dahil dito nila kinukuha ang gastusin pang-operation nila laban sa droga at kriminalidad dahil wala na silang mahihita sa Small Town Lottery (STL). Nakasaad kasi sa mandate ng STL na 5 percent ang matatanggap ng PNP sa naturang palaro ng PCSO subalit dahil sa bino-bookies na ng mga authorized agents ang kubransa nila, hayun maliit na ang halagang dinideklara nila at siyempre kapiranggot na rin ang pondong nakarating sa mga opisyales ng PNP. Get’s n’yo mga kosa? Kaya kung dati sa jueteng kumukuha ng panggastos ang PNP, sa ngayon ay sa peryahan na. Araguuyyyyy! Hak hak hak! Mukhang ‘di naman alam ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang raket na ito ng mga bataan niya sa peryahan, ‘di ba mga kosa?
Hindi na ako lalayo Gen. Albayalde Sir dahil sa probinsiya mo mismong Pampanga ay namukadkad ang peryahan kahit hindi pa “Ber” months. Ayon sa mga kosa ko sa Angeles ang peryahan sa Bgy. Mapandan ay kay Quiros; sa bayan ng Magalang kay Edison; sa Bgy. Salapungan ay kina Nene at Balingit; sa palengke sa Bgy. Pampang kay Rosbee; sa Dau sa Sogo kay Dante; sa Magalang EPZA sa tabi mismo ng Caltex gas station kay Rodel Macalindong; sa Bgy. Pinadulo sa Dau kay Jun Bicol at Efren at dito may palaro pang sabong, cara y cruz, color game at saklaan; sa Bgy. San Pedro sa Floridablanca kay Niknok, at sa Bgy. Manibahug sa Porac kay Fe. Hayan ang haba ng listahan Gen. Albayalde Sir. Ang masama n’yan ang binabanggit ng mga tinatawag na poste o tagabigay ng lingguhang intelihensiya ng mga peryahan Gen. Albayalde Sir ay ang pangalan ni PNP Central Luzon director Chief Supt. Amador Corpuz. Ano ba ‘yan?
Kung sabagay, hindi lang naman sa Pampanga may peryahan Gen. Albayalde Sir kundi maging sa Southern Luzon o sa sakop ni Calabarzon PNP director Chief Supt. Ted Carranza. Ang mga puwesto piho na peryahan ni Baby Panganiban ay matatagpuan sa GMA sa Cavite, at sa Calamba at sa checkpoint sa Balibago sa Sta. Rosa, kapwa sa Laguna. Kapag sinabing puwesto piho Gen. Albayalde Sir ay ‘yaong may nakatayo na lamesa na may sugal na color games sa buong taon kahit walang fiesta o okasyon. Siyempre pa, ang binabanggit ng poste ni Baby Panganiban na si alyas Buknoy ay ang pangalan ni Gen. Carranza. Araguuyyyyy! Hak hak hak! Akala ko ba ayaw ni Pres. Digong ng corruption, eh itong pag-bribe ng mga may-ari ng peryahan sa mga kapulisan hindi ba corruption Gen. Albayalde Sir?
Sa totoo lang, nagbukas din ng peryahan si Baby Panganiban sa terminal sa Alabang sa Muntinlupa City at umandar na ito ng ilang araw. Subalit matinik si Panganiban mga kosa dahil naisara niya ang color game niya bago makarating ang mga tauhan ni Supt. Rogath Campo, ang hepe ng RSOU na ipinadala ni NCRPO chief Dir. Guillermo Eleazar. Hehehe! Hindi umubra ang name-dropping ni Buknoy kay Eleazar, di ba mga kosa? Sa pagkaalam ko may balak pang magbukas ng puwesto sa Malabon si Panganiban sa pagpasok ng “Ber” months, ewan ko lang kung makakalampas siya kay Eleazar? Hak hak hak! Hindi isusugal ni Eleazar ang kinabukasan niya sa PNP dito sa kabuktutan ng tandem nina Panganiban at Buknoy kaya goodbye na lang sa mga magagandang plano nila sa Metro Manila. Araguuuyyyyy! Hak hak hak! Maliban sa perya may iba pa kayang sugal na magbukasan sa bansa tuwing “Ber” months? Abangan!