Malacañang pinaiimbestigahan sa PNP, NBI ang nawawalang sabungeros (Sabong News)
Author
Malou Escudero
Date
MARCH 10 2022
MANILA, Philippines — Ipinag-utos kahapon ng Malacañang sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang kaso ng mga nawawalang sabongero sa bansa.
Sa memorandum na inilabas ni Executive Secretary Salvador Medialdea na may petsang Marso 8, 2022, binanggit ang ipinasang Senate Resolution No. 996 na humihiling sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na suspendihin ang lisensiya ng e-sabong hangga’t hindi nareresolba ang kaso ng mga sabongero.
Inatasan ng Malacañang ang PNP at NBI na isumite ang magiging resulta ng kanilang imbestigasyon sa Office of the President at sa Department of Justice sa loob ng 30 araw.
Inatasan din sa inilabas na memo ang PAGCOR na magsagawa ng imbestigasyon sa anumang paglabag ng mga nabigyan ng lisensiya para magpatakbo ng e-sabong.
Pinatitiyak din ang pagsunod sa “security at surveillance” requirements sa ilalim ng Regulatory Framework para sa E-Sabong Off-Cockpit Betting Station lalo na ang pagkakabit ng CCTV systems sa mga e-sabong gaming sites.
Nilinaw din na hanggat walang inilalabas na kautusan mananatili at hindi maaapektuhan ang lisensiya at operasyon ng e-sabong habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.
“Unless otherwise directed, the operations of e-sabong licensees shall remain unaffected, pending the result of the above investigation,” nakasaad sa memorandum.