Narco cop, tiklo sa tupada (Sabong News)
Author
Joy Cantos
Date
NOVEMBER 20 2018
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga operatiba ng PNP-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) ang isang pulis na nasa drug watchlist ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos naman itong maaktuhang sangkot sa illegal na tupada o sabong sa isinagawang operasyon sa Brgy. Bayanan, Muntinlupa City, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni PNP-CITF Commander P/Chief Supt. Romeo Caramat Jr. ang nasakoteng suspect na si PO2 Yob Enguio, na nakatalaga sa Basilan Provincial Police Office (PPO).
“He is categorized as level 2 target in the drug list of President Rodrigo Duterte”, anang opisyal.
Arestado rin sa operasyon ang limang iba pang mga sibilyang sangkot sa ilegal na sabong. Ang mga ito ay nakilalang sina Jessie Bautista, Joey Paler, Rene Anonuevo, Benedicto Quitan at Gerry Taeza.
Bandang alas -10 ng umaga nang masakote ang mga suspect kamakalawa sa Brgy. Bayanan, Muntinlupa City.
Nakumpiska mula sa pag-iingat ng mga ito ang apat na manok na panabong, tari at bet money na nagkakahalaga ng P8,600.00.
Sa imbestigasyon, nabatid na ang suspek ay dating nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO) pero dahilan sa pagkakasangkot sa illegal drug trade ay ipinatapon sa Basilan na nasa ilalim ng kontrol ng Police Regional Office (PRO) ARMM.