Malacañang inutos na ang imbestigasyon sa ‘missing sabungeros’ (Sabong News)
Author
Malou Escudero
Date
MARCH 10 2022
MANILA, Philippines — Mismong Malacañang na ang nag-utos sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero sa bansa.
Sa ipinalabas na memorandum ng Malacanang na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea na ang anumang resulta sa isasagawang imbestigasyon ng PNP at NBI ay isusumite sa Office of the President (OP) at Department of Justice (DoJ) sa loob ng 30 araw mula sa pagpapalabas ng nasabing kautusan.
Inatasan naman ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), na magsagawa ng pagsisiyasat para sa anumang paglabag ng e-sabong licensees sa ilalim ng umiiral na terms of agreement nito at tiyakin na sumunod ang mga ito sa security at surveillance requirements sa ilalim ng Regulatory Framework for E-Sabong Off-Cockpit Betting Station partikular na ang pagkakabit ng CCTV systems sa e-sabong gaming sites.
May ilan umanong e-sabong operators ang nagpahayag na hindi pa sila nakakapagkabit ng CCTV cameras nang panahon na may nawawala ng mga sabungero lalo pa’t ang kanilang mga establisimyento ay bago pa lamang naitatayo.
Nauna nang sinabi ni Senador Ronald dela Rosa na may 34 sabungero ang nawawala kasabay ng pagiging popular ng online cockfights.