15 taon kulong, P2 milyong multa magiging parusa sa magmamanipulasa presyo ng bilihin (Sabong News)
Author
Malou Escudero
Date
MARCH 10 2022
MANILA, Philippines — May karampatang parusa sa sinuman na mahuhuli at mapaparusahan dahil sa pagmamanipula ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ito ang ipinaalala kahapon ni Sen. Win Gatchalian, batay sa ilalim ng Section 15 ng Price Act o Republic Act No. 7581, may parusang pagkakakulong na hindi bababa sa limang taon hanggang 15 na taon at multang P5,000-P2,000,000 ang ipapataw laban sa mga napatunayang nagkasala sa pagmamanipula ng presyo ng anumang pangunahing bilihin o prime commodity.
Sa ilalim ng nasabing batas, ang price freeze ay otomatikong ipinapataw sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga lugar na nasa state of calamity o state of emergency.
Maaaring magpataw ng price ceiling sa anumang pangunahing bilihin o pangangailangan kung hindi ito maiiwasan, dahil sa epekto dala ng kalamidad o kung may laganap o malawakang pagmamanipula ng presyo at kung may hindi makatwirang pagtaas sa umiiral na presyo ng anumang pangunahing bilihin o prime commodity.
Ayon naman sa Department of Trade and Industry na aabutin ng tatlong buwan bago mangyari ang anumang paggalaw sa presyo ng mga bilihin dahil ang imbentaryo ng mga produkto ay maaaring tumagal ng humigit-kumulang sa 30 hanggang 90 na araw.
Kabilang sa mga pangunahing bilihin ang bigas, mais, tinapay, dried o canned fish, sariwang karne, poultry meat, itlog, gatas, gulay, asukal, mantika, asin, sabong panlaba, gayundin ang mga gamot na itinuturing ng Department of Health (DOH) na essential drugs.