7 tiklo sa online sabong sa Caloocan (Sabong News)
MANILA, Philippines — Pito katao kabilang ang isang food delivery rider at security guard ang dinakip matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang compound na may nagaganap na illegal online sabong sa Caloocan City.
Kinilala ni District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) head PLTCOL Jay Dimaandal ang mga inaresto na sina Jaypee Paredes, 27, food delivery rider; Rafael Roche, 47, security guard; Eduardo Villanueva, 57; Diego Lagado, 63; Kenneth Igot, 28; Alexander Marveda, 58 at Vergenio Lagado, 57; pawang residente ng DM Compd. Brgy. 73, Caloocan City.
Ayon kay Dimaandal, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na illegal gambling activity na kilala bilang Online Sabong sa DM Compound Heros Del, Brgy. 73 ng lungsod.
Kaagad inatasan ni Dimaandal ang kanyang mga tauhan sa pangunguna ni P/Lt. Melito Pabon na magsagawa ng anti-ilegal gambling operation sa naturang lugar.
Pagdating ng mga operatiba ng DSOU sa nasabing compound bandang alas-5:30 ng hapon, nakita nila ang pitong kalalakihan na tumataya sa online sabong kaya agad nilang dinakip.
Nakumpiska ng mga pulis ang isang monitor at isang mother board na may power supply box habang ang P2,590 bet money ay narekober nila kay Diego at Vergenio.