May tulog si Chairman Start vs kosang Darwin! (Sabong News)
Author
Non Alquitran
Date
APRIL 23 2018
MAY tulog pala sa darating na May 14 election si Chairman Alvin Start ng Bgy. 580 Zone 56 sa Sampaloc, Manila vs kosang Darwin delos Santos kaya nagpupuyos ito sa galit dahil sa pagbulgar ko sa mga ilegal na bookies niya. Sinabi ng mga kosa ko na mahigpit ang laban ni Start at katunggaling si kosang Darwin, ang No. 1 kagawad niya. Hindi lang pala mamahaling alak na J&B at sabong Dove ang ipinamudmod ni Start noong general assembly kundi may electric fan at iba’t ibang kagamitang pambahay pa.. Subalit kung sa tingin ni Start ay mabibili niya ang boto ng mga residente sa nasasakupan niya, aba sinabi ng mga kosa ko na baka nagkamali siya. Sa totoo lang kasi, pati mga kagawad niya ay nilisan na si Start at sumama sila kay kosang Darwin kaya hayun puro bago ang tumakbong kagawad sa tiket ng una, kabilang dito ang bayaw niya na si Rowell Zapanta, ang asawa ng kapatid na si Mia. Hayan, tama ba ako kosang Buboy? Teka nga pala, si Mia ang tagapag-abot ng lingguhang intelihensiya ni Start sa MPD, City Hall at iba pa kaya kilalang-kilala siya ng mga pulis, di ba MPD director Chief Supt. Jigs Coronel Sir? Kaya sa tingin ng mga kosa ko sa Bgy. 580 Zone 56, kailangan talagang magpamudmod ng pitsa si Start dahil ‘yan na lang ang huling baraha niya para manalo, di ba kosang Joel? Kaya ‘yan ang binabantayan ko sa ngayon mga kosa na magbitaw ng pitsa si Start para makunan ng litrato o video para may kahinanatnan siya sa Commission on Elections (Comelec). Get’s n’yo mga kosa? Kung si Start ang negosyo ay ang mga bookies ng karera, si Darwin naman ay sa LTO ang mga negosyo. Hak hak hak! Parang labanan ng good at evil ang election sa Bgy. 580 Zone 56 sa Mayo 14, ano mga kosa? Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Kaya ko nasabing nagpupuyos sa galit sa akin si Start mga kosa dahil nakasalubong niya si Lourdes Lantican noong nakaraang Lunes at kinumpronta kung bakit naging topic siya ng Supalpal. Ayon kay Start, magkakutsaba raw kami ni Lantican, alyas Boni at Wardy para ibulgar ang ilegal na gawain niya. Si Lantican mga kosa ay reelectionist barangay chairman sa Bgy. 179, Zone 56 o kalapit bahay ni Start, si Boni ay retiradong pulis na ninong niya, samantalang si Wardy ay maaring si konsehal Wardy Quintos ng District 4 ng Manila. Kilala ko si Lantican dahil chairwoman namin siya, si Boni ay dating kahuntahan ko noong panahon ni former Sen. Robert Barbers samantalang si Wardy ay hindi ko man lang nakaharap ni minsan kaya nagtataka ako kung bakit idinamay siya ni Start. Siyempre, nag-imbestiga ako mga kosa at napag-alaman ko na si Start pala ay nakalinya kay Guia Gomez, na dating kumandidatong konsehal sa tiket ni dating Mayor Alfredo Lim. Lumayas si Gomez sa Pinas para iwasan ang kampanya ni Pres. Digong laban sa droga. Hehehe! Bakit kaya? Natatandaan n’yo ba mga kosa na sa isang rally nina Mayor Erap Estrada ay binato ang stage nila at sa lugar iyon ni Gomez. Ni-raid din ng NBI ang bahay ni Gomez sa Sampaloc sa suspetsa sa shabu subalit hindi nila nasakote ang una? Subalit sa mga TV footages ng raid, nakita ko na ang bahay pala ni Gomez ay ginagamit din ni Jeff Concepcion na base ng bookies operation niya subalit hindi ito ginalaw ng raiding NBI team dahil kaya shabu lang ang nakalagay sa search warrant nila? Kaya ang balita ng mga kosa ko, si Start ay naka-umbrella kay Jeff Concepcion kaya malakas ang apog niya na magalit at magbanta pa. Hak hak hak! Nagtataka nga ako kung bakit pinapayagan ni Mayor Erap ang bookies operation ni Jeff Concepcion eh maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi niya ito kaalyado sa pulitika, di ba mga kosa? Baka malaki ang weekly hatag ni Jeff sa mga pulis ni Erap? Puwede, di ba mga idol? T’yak ‘yun!
Dahil sa pagbubulgar ko ng butas ni Start, aba binabantayan na rin ng mga bataan ni Gen. Coronel ang mga puwesto niya sa bahay ni Rey Manuel sa 799 Palawan St.; sa bahay ni Romy Leonen sa 699 Domingo Santiago St., at sa bahay ni Letty Parallag sa 720 Domingo Santiago St. ‘Ika nga sa beerhouse, “patay-sindi” ang operation ng butas ni Start dahil minsan sarado at minsan naman ay patagong bukas kaya’t nahihirapan ang mga bataan ni Coronel na matiyempuhan at ma-raid ang mga ito. Hehehe! Pasasaan ba’t madadali rin ng mga bataan ni Coronel ang mga butas ni Start, di ba mga kosa? Hak hak hak! Sa totoo lang, hindi naman kami magkaaway ni Start mga kosa. Nagkataon lang na may nagsumbong sa akin laban sa mga butas niya, di ba kosang Steve at Jeff? Kaya hindi siya dapat magalit sa akin. Harapin ang kanyang problema dahil ilegal ang pinasok niya. Get’s mo kosang Alvin Sir? Abangan!