Barangay officials mananagot (Sabong News)
Author
AL G. Pederoche
Date
APRIL 22 2020
Babala ito sa mga tiwaling opisyal ng barangay. Nagwarning ang tanggapan ng Ombudsman na pananagutin sa batas ang mga opisyal ng barangay na mananamantala sa pondong inilaan ng gobyerno sa kampanya laban sa COVID-19. Ito’y sa gitna ng reklamo ng ilang mga residente na napagkakaitan sila ng karampatang ayuda sa panahong umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, magsasagawa ng sariling auditing ang kanyang tanggapan sa pondong ito para siguruhing nagagastos lamang sa wastong dahilan. Napapanahon ang hakbang na ito lalo pa’t may mga naibabalitang may mga opisyal ng barangay na nagagawa pang magdaos ng tupada o ilegal na sabong sa panahong kailangan ng mamamayan ang kanilang tulong. Saan kaya sila kumukuha ng perang pansugal?
Sabi nga mismo ni Presidente Duterte, “mayroon pala kayong ginagastos sa pagsasabong bakit kailangan ko pa kayong bigyan?” Nasaan kaya ang konsensya ng mga opisyal na ito? Mayroon pa ngang mga kapitan na nagdaraos ng marangyang birthday party sa panahong ito ng krisis.
Kabuuang Php6.1 billion ang inilaan ng pamahalaan sa mga LGUs sa kampanya laban sa COVID at kung lulustayin lang ng mga bugok at tiwaling barangay officials ay nabibingit ang buong bansa sa kapahamakan. Wala pa tayong nakikitang senyales na nagtatagumpay ang pamahalaan sa giyera” laban sa pandemyang ito.
Sa ilalim ng batas, ang sino mang opisyal na gagamitin sa katiwalian ang pondo ay kakasuhan ng kriminal at administratibo, gaya ng plunder, graft at malversation depende sa laki ng perang malulustay.
Mahalaga ang bawat minuto sa kampanya laban sa pandemya, kaya harinawang makonsensya ang mga barangay officials na ito at huwag ng haluan pa ng monkey business ang pagtupad sa kanilang tungkulin.