Kagawad, 3 pa arestado sa tupada (Sabong News)
Author
Jojo Perez
Date
MAY 27 2021
SAMAL Bataan , Philippines — Arestado ang apat na katao kabilang ang isang barangay kagawad matapos maaktuhan na nagsasabong sa kabila ng mahigpit na ipinatutupad na health protocol kontra COVID-19 sa Barangay Gugo, ng lalawigang ito.
Kinilala ni Samal Chief of Police Captain Gary Lupian ang mga suspek na sina Eduardo Medina, 66, Barangay Kagawad ng West Calaguiman; Loreto Lovidorian, 30; Mario Torres, 48-anyos at Jay Salenga, 42,pawang mga residente sa naturang lugar.
Nagawa namang makatakas ng iba pang sabungero nang magpulasan sa ikinasang anti-illegal gambling operation.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga otoridad na may nagaganap na tupada sa lugar kung kaya ikinasa ang operasyon kung saan inabutan ang mga suspek na nagsasabong.
Nakumpiska sa mga suspek ang tatlong panabong na manok, patay na manok, mga tari at bet money na ginamit sa sabong.
Kinasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Presidential Decree 1602 o Illegal Gambling Law at paglabag sa kasalukuyang mahigpit na ipinatutupad na Health Protocol bunsod ng COVID-19.