4 magkaibigan na may dalang P7.5 milyon cash,pinagbabaril: 3 todas (Sabong News)
Author
Doris Franche
Date
SEPTEMBER 17 2022
MANILA, Philippines — Todas ang tatlo sa apat na magkakaibigang negosyante na may dalang P7.5-M cash habang masuwerteng nakaligtas ang isa matapos silang tambangan at paulanan ng bala ng baril ng mga hindi pa kilalang suspek nitong Miyerkules sa bayan ng Estancia, Iloilo City.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina John Paul Mark Bosque, 28, ng Brgy. Devera, Sara; Mark Clarenz Libao, 24, ng Tacas, Jaro, at Chrysler Floyd Fernandez, 27, ng Jereos La Paz, Iloilo City.
Nakaligtas naman ang isa nilang kaibigan na kinilalang si Jebron Parojinog, 24, ng Brgy. Villa Pani-an, Estancia at business partner ng mga nasawi.
Batay sa report ng Estancia Municipal Police Station, alas-12:00 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa Villa Pani-an, Estancia, ng nasabing lungsod.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mga biktima ng Isuzu-Mux pick-up na minamaneho ni Parojinog patungo sana sa bahay ng kanyang ama sa nasabing lugar para ibenta ang Fishing Boat ni Bosque na nagkakahalaga ng P7-M na umano’y pambayad sa pinagkakautangan nito sa online sabong.
Pagdating sa nasabing lugar, bigla na lamang silang pinara ng mga armadong kalalakihan at tumayo sa passenger side.
Tumabi naman sa gilid ng kalsada si Parojinog pero kalaunan ay pinagbabaril na sina Bosque at Libao na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.
Nagawa naman makababa ng sasakyan sina Parojinog at Fernandez saka tumakbo, subalit minalas na nadapa si Fernandez kaya pinagbabaril na rin ito ng mga suspek habang nakatakas si Parojinog.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek at posibleng tinangay ang nasabing halaga ng pera.
Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng pitong basyo ng .45, isang 9mm pistol, 1 magazine, 14 na mga bala, cellphone ng mga biktima, at counting machine ng pera, subalit wala na ang perang P7.5-M.
Ayon kay PLt. Joebert Amado, acting chief of Police ng Estancia Municipal Police Station, isa si Parojinog sa kanilang persons of interest at isinailalim na ito sa paraffin test, subalit negatibo ang resulta.
Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang mga otoridad para malaman ang tunay na motibo at utak sa nasabing krimen.
Samantala, naglaan naman si Iloilo City Mayor Jerry Treñas, ng P50,000 pabuya sa sinumang makakapagturo o makahuli sa mga suspek.