Pagtutulungan ng operators, gobyerno sa pagbuo ng polisiya sa e-sabong, isinusulong (Sabong News)
Author
Ludy Bermudo
Date
SEPTEMBER 17 2022
MANILA, Philippines — Isinulong ng isang gaming technology executive ang mahigpit na koordinasyon ng pamahalaan at ng mga operator ng e-sabong para makatulong sa pagpapaunlad ng industriya sa Pilipinas.
Sinabi ni Jade Entertainment and Gaming Technologies, Inc. Chief Executive Officer Joe Pisano na nakahanda ang kanyang kumpanya na makipag-ugnayan sa mga mambabatas para makatulong sa pagtugon sa panawagan ng publiko hinggil sa e-sabong.
Sinabi ni Pisano na ang e-sabong ay magandang mapagkukunan ng kita ng pamahalaan dahil mayroon itong buong ecosystem ng mga industriya na sumusuporta rito.
Kinabibilangan ito ng mga sektor sa ilalim ng breeders, feed makers, veterinary, at employment na nag-aambag sa kabuuang 35 percent corporate tax para sa pamahalaan.
Iginiit pa ni Pisano na ang e-sabong ay dapat na ituring na tulad ng ibang sport dahil may kapareho itong set of rules at mechanisms na ipinatutupad dahil isa na rin itong propesyon sa mahabang panahon.
Sinabi ni dating Presidente Rodrigo Duterte noong Marso na ang industriya ng e-sabong ay nagkakaloob sa gobyerno ng P640 million na kita kada buwan. Nakalikom ito ng kabuuang P2.03 billion sa first half ng taon.
Dagdag pa niya, habang ang ibang sports tulad ng basketball, tennis, at football ay pawang may betting systems, ang sabong ay dapat ding bigyan ng kaparehong pagtrato.