7 pulis-Maynila kinasuhan ng pagpatay sa inarestong pedicab driver (Sabong News)
Author
Ludy Bermudo
Date
DECEMBER 12 2014
MANILA, Philippines - Kinasuhan ng homicide sa Manila Prosecutor’s Office ang pitong miyembro ng Manila Police District (MPD)-Station 10 na pinamumunuan ni P/Supt. Froilan Uy kaugnay sa pagkakabaril sa isang pedicab driver na si Russel Biligan, 36-anyos na inaresto nila sa isang tupada noong Disyembre 7 sa Plaza Guwapo, Kahilum II, Pandacan, Maynila.
Ang pitong pulis ay kinilalang sina C/Insp. Dennis Gimena, PO3 Shiela Tadlas, PO3 Reynaldo Felipe, PO2 Orville Resuello, PO2 Nino Anthony Alfonso, PO1 Rod Moralidad at PO1 Darwin Morales.
Nabatid na ang biktima ay isa sa subject umano ng anti-criminality operation ng mga tauhan ni Uy, na isinagawa alas-9:00 ng umaga noong nakalipas na Disyembre 7.
Sa kasagsagan umano ng sabong at tumataya ang biktima na walang damit pang-itaas ay dumating ang mga pulis na nag-warning shot umano ng dalawang beses at maya-maya ay hawak na ang biktima ng isa sa mga pulis.
Nagulat na lamang ang mga tao nang makarinig muli ng putok at nakitang duguan na bumagsak ang biktima na nagtamo ng tama ng bala mula sa service firearm ng isa sa operatiba.
Sa halip umano na dalhin sa ospital ay iniwan itong duguan kaya’t ang ka live in nito at isang residente ang nagdala sa Manila Doctor’s Hospital at alas-10:30 ng umaga ay idineklarang patay na ang biktima dahil sa tama ng bala sa dibdib.
Posibleng maharap sa kasong administratibo ang mga pulis at masibak naman ang hepe nila na si P/Supt. Froilan Uy alinsunod sa ‘command responsibility”.