PnB sa Antique, sinalakay ng tropa ni Gen. Francisco! (Sabong News)
Author
Non Alquitran
Date
SEPTEMBER 15 2022
Hindi umubra ang katigasan ng ulo ng financiers’ ng palaro na Peryahan ng Bayan (PnB) sa Antique kay Western Visayas police director Brig. Gen. Leo ‘‘Paco’’ Francisco. Initsa-puera na ng Philippine Charity Sweepstakes Office ang PnB subalit patuloy pa rin ang operation ng mga ito sa probinsiya tulad ng sa Camarines Norte, Sorsogon, Mindoro, Pangasinan, Isabela at Cagayan, ayon sa mga kosa ko. Ang ipinagyabang ni alyas Edgar, ang management ng PnB sa Antique, may hawak silang court order para sa patuloy nilang operation. Subalit walang maipakitang court order ang PnB nang salakayin ng mga tauhan ni Francisco ang draw court nila sa Bgy. 3, San Jose, Antique. Araguuyy! Kung tumatabo si Edgar at amo niya sa PnB, abaaaa ang 12 katao na inaresto sa raid ay nagdurusa. Kung nakaya ni Francisco na salakayin ang draw court ng PnB sa area niya, bakit sa ibang probinsiya ay pinanonood lang ng mga kapulisan ang operation nila. Dipugaaa!
Unang sinalakay ng Regional Intelligence, sa pamumuno ni Maj. Chey Chey Saulog, ang bahay ni Styronne Skudd Soliva, 24, na Field Technician Support ng PnB sa Bgy. 2, San Jose. Nakumpiska sa kanya ang P1,049 bet money at PnB paraphernalia. Giniyahan ni Soliva ang tropa ni Saulog sa bahay ni George Arangote na ginawang draw court ng PnB at nasakote ang 11 pang katao. Nakuha ni Saulog ang P27,125 bet money at gambling paraphernalia. Kusang sumama naman ang mga inaresto at bahala na ang korte sa kinabukasan nila. Hehehe! Kung P30,000 ang piyansa bawa’t ulo sa mga naaresto, P360,000 din ang nalagas sa bulsa ni Edgar. Araguuyyy! May mapait na karanasan si PNP chief Gen. Junaz Azurin sa PnB sa Pangasinan noong PRO1 director pa siya. Lintek lang ang walang ganti, di ba mga kosa? Dipugaaaaa!
Nagpalabas kasi ng One-Time, Big-time operation ang liderato ng PNP nitong nakaraang araw laban sa PnB at e-sabong. Sa totoo lang, si Francisco lang ang kumilos vs PnB subalit bokya ang PNP sa kampanya laban sa e-sabong, na ayon sa kosa kong si Joey Venancio, tuloy-tuloy pa lalo na ang saklaw ni alyas Pineda.
Kayhirap hulihin niyan kosang Joey! May nagpadala rin sa akin ng mga screen shots ng tayaan sa e-sabong na ibig sabihin hindi naman sila talaga huminto. Ano ba ‘yan? Ayon naman kay kosang Eboy, hindi naman huminto ang e-sabong nina Doce at Teves. Dipugaaa! Kanya-kanyang raket lang ‘yan, di ba mga kosa? Abangan!