Tserman natagpuang patay (Sabong News)
Author
Danilo Garcia
Date
DECEMBER 13 2017
MANILA, Philippines — Patay na nang matagpuan sa loob ng kanyang silid ang isang chairman ng barangay sa Malabon City dahil sa tama ng bala sa ulo habang nasa kamay pa niya ang isang baril kahapon ng umaga.
Nakilala ang nasawi na si Alex Roque Jr., 49, at naninirahan sa #27 Bernales St., Brgy. Baritan ng naturang lungsod at kapitan ng naturang barangay.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-8:30 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ni Roque ng isa niyang tanod sa loob ng kanyang silid habang nasa kamay pa ang isang kalibre .45 na baril.
Bukod sa baril, isang suicide note rin umano ang natagpuan ngunit hindi muna inihayag ng pulisya ang nilalaman habang bineberepika pa kung sulat-kamay nga ito ni Roque.
Nabatid na walang senyales ng posibleng pagpapatiwakal si Roque kamakalawa ng gabi dahil masaya pa umano siya dahil natapos na niya ang preparasyon para sa Christmas party ng kanilang barangay. Nagkulong umano siya sa loob ng kuwarto habang mag-isang umiinom ng brandy at nilakasan ang volume ng kanyang telebisyon.
Isa naman sa tinitingnan ng pulisya ang posibleng problema sa pera dahil sa nangungutang umano siya ng malaki sa unang asawa. Biniberepika rin ang ulat na nahilig ang nasawi sa sugal na sabong at napalakas ring uminom ng alak.
May post din ang biktima sa kanyang social media account na nakasaad na: “Sa hirap at sarap, diyan mo makikilala ang tunay mong kaibigan.”