P.5- M shabu nakumpiska: 2 ‘tulak’ timbog (Sabong News)
Author
Danilo Garcia
Date
OCTOBER 24 2017
MANILA, Philippines — Tinatayang nasa kalahating milyong halaga ng iligal na droga ang nakumpiska ng mga awtoridad sa dalawang itinuturong mga ‘tulak’ ng droga na nadakip sa ikinasang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Inisyal na nakilala ang mga nadakip na suspek Eufenio Odac, Jr., 22 at si Alex Ogena, 28. Sa ulat ng PDEA, dakong alas-11 ng gabi nang madakip ang dalawang suspek sa isang bus terminal malapit sa may Monumento Circle, Rizal Avenue sa naturang lungsod.
Isang poseur buyer ng PDEA ang nakipagtransaksyon sa mga suspek para makabili ng nasa 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P500,000. Matapos na magkabayaran, sumulpot na ang mga operatiba at nagpakilala na mga tauhan ng PDEA.
Tinangka pa umanong tumakas ng dalawang suspek ngunit tuluyan na silang nasukol ng mga nakaposisyong mga operatiba ng PDEA Region 4A. Nakumpiska sa kanila ang iligal na droga na nakalagay sa isang lalagyan ng sabong pulbos.
Ayon sa PDEA, ang dalawang suspek ay kabilang sa sindikato na supplier ng droga na kumakalat sa mga lalawigan ng Region 4A (Calabarzon). Una nang nadakip nila ang mga kasamahan ng dalawa sa hiwalay na operasyon hanggang sa matukoy din ang dalawa sanhi para ikasa ang operasyon laban sa kanila.
Hindi naman itinanggi ng dalawa ang pagkakasangkot sa iligal na droga ngunit iginiit na mga runner lamang umano sila ng sindikato.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang mga taong nasa likod ng naturang sindikato.