PNP, bulag sa kaso ng mga missing sabungero! (Sabong News)
Author
Non Alquitran
Date
FEBRUARY 12 2022
DUMARAMI ang bilang ng sabungero na nawawala na parang bula matapos silang magsabong sa mga probinsiya na malapit sa Metro Manila. Itong mga missing na sabungero kaya ay miyembro ng sindikato na ginawang gatasan ang online sabong? ‘Yan ang tanong ng mga kosa ko. May kasagutan dito ang mga sabong officionado subalit tikom ang kanilang bibig dahil ayaw nilang sumunod sa hukay....este sa sinapit ng mga kapwa nila sabungero. Maging ang mga imbestigador ng Philippine National Police (PNP) ay bulag sa kaso ng missing sabungero kahit sinabi pa nilang may “person of interest na sila.” Owwwwww! Hak hak hak! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan, di ba mga kosa? Dipugaaaaa!
Hindi pa natantiya kung ilan talagang sabungero ang missing subalit lumabas naman sa OneNews nitong Martes ng gabi ang pagdukot ng kalalakihan na nagpakilalang taga-NBI kay alyas Lasco, na isang master agent ng online sabong. Si Lasco ay isang IT expert at matagal nang missing. Ayon sa mga kosa kong sabong afficionado, matindi pala itong si Lasco dahil gumawa s’ya ng website kung saan na-hack n’ya ang account ng isang online sabong. Ang modus operandi pala nitong si Lasco ay hinihikayat n’ya ang mga suki ng online sabong sa abroad o mga OFW, na sa kanya pumasok dahil may diperensiya ang account ng dati nilang pinapasukan.
Halos P300 milyon din ang nalansi ni Lasco sa online sabong. Subalit itong si Lasco ay kuripot at hindi maayos ang ipinarti n’ya sa galamay n’ya na si alyas Glen na sa galit ay ininguso ang amo n’ya sa operator ng online sabong. Hayun, ayosssss ang buto-buto. Ni-raid ng armadong kalalakihan ang bahay ni Lasco at missing na s’ya kasama ang isang bag na may lamang milyones dahil hindi naman nagbabangko ang bida natin. Si Glen? Missing na din s’ya sa ngayon!, ayon sa mga kosa ko. Araguuyyyyy! Dipugaaaaa!
Ang masama lang nito, nag-iingay na ang mga kamag-anak ng mga missing sabungero at baka biglang ikumpas ni President Digong ang kanyang kamay na bakal at t’yak lagot ang sinumang nasa likod nitong kaso. Panay kasi laman ng balita sa TV itong kaso ng missing sabungero at nakausap ng isang kamag-anak ang isa sa kanila, bago mawala, na pinasuspetsahan silang nasa likod ng laban ng «tiyope’ o dispalingadong manok. Hindi lang ‘yan! Nag-rally pa sa harap ng opisina ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga kamag-anak at humingi ng saklolo dahil naniniwala pa sila na buhay pa ang mga missing sabungero. Kelangan pa bang i-memorize ‘yan? Dipugaaaaa! Abangan!