EDITORYAL - Mga pangunahing bilihin, taas na (Sabong News)
NGAYONG buwan na ito magtataas ng presyo ang mga pangunahing bilihin. Pinayagan na ng gobyerno ang pagtataas kaya panibagong higpit ng sinturon ang dapat gawin ng mamamayan. Ang nakakaawa ay yung wala nang ihihigpit pa ng sinturon sapagkat sagad na.
Hindi lamang pala tinapay ang tataas gaya nang inihayag ng Philippine Baking Industry Group (PhilBaking) noong nakaraang linggo. Sabi ng Philbaking, tataas ang presyo ng pandesal at Pinoy Tasty. Ang pagtaas ng pandesal at Pinoy Tasty ay dahil sa pagtaas ng presyo ng arina, asukal at pati LPG. Ang 25-kilo bag ng arina ay P995 na mula sa dating P690.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), inaprubahan nila ang pagtataas ng presyo ng sardinas, instant noodles, karne, corned beef, meat loaf, gatas, naka-botelyang inuming tubig, sabong pampaligo, sabong panlaba, battery, kandila at marami pang iba.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez ang pagtataas sa presyo ay inaprubahan dahil sa mataas na gastos sa produksiyon. Ganunman, pinaalalahanan ni Lopez ang mga kompanya na dapat ay justified ang pagtataas at protektado ang consumers.
Tuloy na tuloy na sa susunod na buwan ang taas presyo ng mga pangunahing bilihin. Wala nang makakapigil sapagkat inaprubahan na ng pamahalaan. Kawawa ang mga kakarampot ang kinikita at naapektuhan ng lockdown dahil sa pandemya.
Kahit ang mga nagdidildil ng asin ay apektado rin sapagkat maski ito ay tumaas din. Ayon sa DTI, ang iodized rock salt na 500-g ay magiging P15.70 na mula sa dating P11.25. Ano pa ang mabibili ng karampot na kita ngayon? Wala na.