EDITORYAL - Ang pan de sal at iba pang nagtaas-presyo (Sabong News)
Noong nakaraang Pebrero lamang nagtaas ng presyo ang pan de sal at tasty pero ngayon nag-anunsiyo na naman ang Philippine Baking Industry Group (PhilBaking) na magtataas muli sila ng presyo. Ang 10 pirasong pan de sal ay magiging P27.50 na mula sa dating P23.50. Ang tasty ay magiging P42.50 mula sa dating P38.50. Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) noong nakaraang linggo pa nila natanggap ang request ng PhilBaking na magtaas. Ang mataas na presyo ng arina ang dahilan kaya magtataas ng presyo ng pan de sal at tasty. Apektado umano ng giyera sa Ukraine at ang nangyayaring tagtuyot sa India at U.S. kaya nagmahal ang arina.
Noong nakaraang linggo rin inihayag ng DTI na magtataas ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng sardinas, noodles, corned beef, meatloaf, kape, bottled water, sabong panglaba, at maski ang asin ay nagtaas na rin.
Sa panibagong pagtataas ng pan de sal tiyak na aaray na ang marami. Ang pan de sal ang karaniwang almusal ng mga Pinoy. Ito ang pinakamurang mabibili at nakararaos na ang almusal ng pamilya. Kahit walang palaman at sawsaw kape lang, nakatatawid na sa umaga. Pero ngayong nagtaas na naman ang pan de sal at tasty, panibagong pabigat na naman sa mahihirap. Hindi na malaman kung saang kamay ng Diyos kukunin ang susunod na kakainin.
Kahapon din ay nagtaas na naman ang presyo ng petroleum products. Halos P6.00 sa diesel at mahigil P2.00 sa gasolina. Marami pa raw susunod na oil price hike na ang dahilan ay ang giyera ng Ukraine at Russia. Kung magpapatuloy ang pagtaas ng oil products, tiyak na hindi rin titigil ang dagdag-presyo sa mga pangunahing bilihin.
Walang ibang kawawa kundi ang mga kakarampot ang kinikita. Hindi makasapat ang kanilang suweldo sa taas ng presyo ng mga bilihin.
Wala nang ihihigpit pa ng sinturon sapagkat sagad na sagad na. Sa dinaranas ngayong pagtaas ng mga bilihin, malaking bagay na maayudahan ang mamamayan sa pang-araw-araw. Ipagpatuloy ng LGUs ang ginagawang libreng sakay sa mga bus gaya nang ginagawa sa Quezon City na project ni Mayor Joy Belmonte. Malaking tulong ito para mabawasan ang dalahin ng mga mahihirap. Sana makaisip pa ng ibang paraan upang matulungan ang mamamayang apektado ng taas-presyo.