Sinas, hinahamon ng online sabong! (Sabong News)
Author
Non Alquitran
Date
NOVEMBER 14 2020
MASUSUBUKAN ang liderato ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Debold Sinas sa online sabong na patuloy na nag-ooperate kahit ibinabando ng Inter-Agency Task Force (IATF) na bawal pa ito habang nananalasa pa ang COVID-19.
Sa kanyang talumpati nitong nakaraang araw, mahigpit ang tagubilin ni Sinas sa kanyang mga tauhan na huwag tumanggap ng suhol o paiiralin niya ang “no take policy” sa lahat ng ilegal na aktibidades, at kasama na rito ang online gambling. Malaki kasi ang paniniwala ng mga kosa ko na kaya hindi pinapansin ng management ng online gambling ang kautusan ng IATF dahil malaki ang parating nila sa liderato ng PNP, at tutuldukan ito ni Sinas. Get’s n’yo mga kosa?
Si Sinas mga kosa ay hindi sugarol kaya wala s’yang utang na loob sa mga operators ng online gambling. Dipugaaaa!
Sinabi ng tropa ni Sinas na susulat sila kay PAGCOR chairwoman Andrea Domingo para alamin ang mandatos ng operation ng online sabong. Nais kasing malaman ng PNP kung anu-anong guidelines ang ibinigay ni Domingo sa online sabong na patuloy na binabastos ang gobyerno ni President Digong, lalo na ang IATF.
Aalamin din ng PNP kung bakit hindi nagko-coordinate ang PAGCOR sa kanila para masawata ang online sabong, na halos hindi naman huminto sa kanilang operation sa loob ng walong buwan habang abala ang gobyerno ni President Digong na labanan ang pandemya.
Sa tingin naman ng mga kosa ko, mahihirapan itong management ng online sabong na “suhulan” si Sinas na tinawag ni President Digong na “good at honest” cop. Dipugaaaa!
Ang unang panawagan ni Sinas sa mga tiwaling pulis ay huwag tumanggap ng suhol mula sa ilegal na aktibidades, kasama na rito ang online sabong na niloloko lang ang gobyerno dahil sa hindi pagbabayad ng buwis.
Kaya tama lang ang panawagan ni Albay Rep. Joey Salceda na i-regulate ang operation ng online sabong nang sa gayon ay mabuwisan sila ng gobyerno para madagdagan ang pondo kontra COVID.
Sa mga pulis na naging protektor o tumatanggap sa online sabong, abaaaa.. dumistansiya na kayo sa naturang ilegal na negosyo bago kayo “paluin sa puwit” ni Sinas. Dipugaaaa!
Marami tiyak ang iiyak sa anti-corruption drive ni Sinas na iniutos ni President Digong, di ba mga kosa? Abangan!