Probe vs 7 pulis na sangkot sa e-sabong (Sabong News)
Author
Doris Franche
Date
MARCH 02 2022
MANILA, Philippines — Inumpisahan nang imbestigahan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakasangkot ng pitong pulis sa illegal gambling partikular ang e-sabong.
Sa record ng Directorate for Investigation and Detective Management, may pitong reklamo ang isinampa laban sa pagkakasangkot ng pitong pulis sa e-sabong activities mula Enero 1 hanggang Pebrero 21, 2022.
Tatlo sa mga ito ay mula sa Police Regional Office 4A, isa mula sa Regional Office sa Bicol; isa sa Highway Patrol Group; isa sa Eastern Visayas, at isa sa National Capital Region.
Kinasuhan na ng Unbecoming of a Police Officer ang mga pulis na nasa Region 4A habang ang iba ay sinampahan ng Grave Misconduct.
Ilan sa mga ito ay sina P/Staff Sergeant Jeffrey Cabelin ng PRO8 na suspindido ng 60 araw; Staff Sergeant Hason Togana Jr. ng HPG na pinatawan ng 6 na buwan 6 at P/Cpl.Moises Yango na sinibak sa serbisyo.
Ayon kay PNP chief Gen. Dionardo Carlos, dapat na magsilbing aral at babala ito sa mga pulis dahil walang lugar sa PNP ang anumang uri ng sugal.