Kung naglalaro ng e-sabong Cellphone ng mga pulis siyasatin - PNP chief (Sabong News)
Author
Doris Franche
Date
MARCH 01 2022
MANILA, Philippines — Nag-utos si Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos sa lahat ng mga field commanders na inspeksyunin ang mga cellphones at gadgets ng kanilang mga tauhan matapos mahuling naglalaro ang isang pulis ng e-sabong sa loob ng Camp Crame.
Sa ginanap na flag raising ceremony kahapon ng umaga, binigyang-diin ng PNP chief na ipinagbabawal sa mga pulis na maglaro ng e-sabong o anumang laro sa oras ng kanilang duty.
Ilang ulit na rin aniya niyang pinaalalahanan ang mga tauhan ng PNP ukol sa patakarang ito, kaya ngayon aniya ay maghihigpit na sila at iinspeksyunin na ang mga cellphone ng mga pulis.
Nabatid na mismong ang PNP Chief Directorial Staff ang nakahuli sa isang pulis na naglalaro ng e-sabong sa kanyang cellphone.
Ani Carlos, hindi ito paglabag sa “privacy” ng mga pulis, kundi hakbang para mapangalagaan ang mga miyembro ng PNP mula sa pagkabaon sa utang.
Sinabi ni Carlos na maraming nababaon sa utang dahil sa e-sabong, at maaring matukso ang mga pulis na gumawa ng kalokohan para lang may pansugal.
Idinagdag pa ni Carlos, dapat na maging halimbawa ang mga pulis at hindi dapat malulong sa sugal lalo na sa oras ng trabaho.