Mga lisensyadong e-sabong nagsabwatan laban sa akin – Ang (Sabong News)
Author
Gemma Garcia
Date
MARCH 05 2022
MANILA, Philippines — “Nagsabwatan umano ang iba pang mga lisensyadong e-sabong, kabilang ang retiradong hepe ng pambansang pulisya at datihan at kasalukuyang nanunungkulang mga kongresista laban sa akin kaugnay sa paghawak sa pinakamalaking online operation ng online sabong sa bansa.”
Ito ang sinabi kahapon ni gaming tycoon na si Charlie “Atong” Ang, sa pagharap nito sa imbestigasyong ikinasa ng Senado ukol sa mga nawawalang mga sabungero kung saan nadadawit umano ang kanyang pangalan at dehado agad sa “trial by publicity” laban sa kanya at sa kanyang kumpanya, Lucky 8 Star Quest Inc..
“Ang Lucky 8 parang ginanon ninyo na guilty e. Trial by publicity. Papatunayan ko sa inyo na may conspiracy dito. Wala kaming kinalaman diyan, papatunayan ko sa inyo ang conspiracy,” ani Ang sa ikalawang pagdinig.
“Sino ang may-ari ng Lucky 8? Ako. Sino may-ari ng isang kompanya d’yan? The biggest, the longest gaming or gambling lord in the Philippines. Alam ninyo na kung sino ‘yan. Thirty years na mahigit ‘yan. In fact, sinasabi niya na hawak niya ang mga presidente lagi,” dagdag pa niya.
Hinikayat ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, panel chairperson, si Ang para pangalanan ang ibang e-sabong stakeholder na tinutukoy niya na nagsabwatan laban sa kanya.
“Anim kami na magkakakilala rito. Number 1, ako. Number 2, Bong Pineda. Number 3, Cong. Teves. Number 4, di ko kilala ang kumpanya nila eh, kay ex-congressman Patrick Antonio. Number 5 kina Mayor Elan. Number 6, kina Gen. Cascolan, class ’86,” aniya.
“Kung titingnan ninyo ang conspiracy dito makikita ninyo, ang laban na ito. Tutal delikado rin ang buhay ko d’yan… Papunta na rin sa scenario na gusto nila— kasi 90% sa income ng sabong operations 90 to 95 kami ‘yon. Kasi members ko lahat sa buong Pilipinas na big-time sabungero kasi legit talaga na maayos lahat nakita naman nila kung anong purpose nito hindi lang gumawa ng pera,” giit ni Ang.