Regulasyon ipapatupad sa pagbabalik ng E-sabong (Sabong News)
Author
Mer Layson
Date
AUGUST 23 2022
MANILA, Philippines — Magiging propesyonal at kontrolado na para maibsan ang pangamba ng publiko hinggil sa mga negatibong epekto sa lipunan sa pagbabalik ng e-sabong sa bansa.
Ito ang ipinahayag ng tagapangulo ng Gamefowl Affiliates of Pitmasters-Philippines Batangas na si Fermin Solis dahil nakikita niyang malaki ang potensiyal ng industriya na lumago.
Aniya, naiintindihan niya na may mga batas na dapat sundin sa komunidad ng pagsasabong at dapat, aniya itong masunod upang maipakitang propesyonal ang naturang industriya.
“Dahil sa modernong teknolohiya, lalago pa ang industriya ng e-sabong gamit ang modernong mga pamamaraaan,” wika ni Solis.
Sinabi rin ni Solis na malaki ang maitutulong ng pagiging propesyonal ng e-sabong sa mga beterinaryo, feed suppliers, at iba pang industriya dahil makapagbibigay ito ng hanapbuhay at kita sa iba’t ibang tao.
Para naman kay GAPP Bulacan President Maw Acierto, dapat kontrolado ang paglalagay ng pera sa e-sabong dahil dinisenyo ito upang maging hanapbuhay.
Anya, dapat magamit sa tama at responsable ang pera upang makita na propesyonal ang mundo ng sabong at hindi lang tulad ng kahit anong sugal.
Una nang sinabi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na dapat na magkaroon ng independent regulator ang e-sabong dahil sa laki ng perang kaakibat nito.
Ayon kay PAGCOR Chairman and Chief Executive Andrea Domingo, nasa P640 million kada buwan ang kinikita ng gobyerno mula sa e-sabong nitong 2022 na kung saan ay nakalikom ang PAGCOR ng P2.03 bilyon sa unang anim na buwan ng taon.