President BBM, pabor sa tradisyunal sabong! (Sabong News)
Author
Non Alquitran
Date
SEPTEMBER 08 2022
Ayaw ni President Bongbong Marcos ng e-sabong dahil sa patayan subalit pabor s’ya sa tradisyunal sabong na puro ingay lang. Alam naman ni BBM na kaligayahan na ng mga Pinoy ang magsabong subalit hindi n’ya papayagan na may magbuwis ng buhay sa libangan na ito. Kaya’t tinuldukan na ni BBM ang e-sabong kahit na may kita pa ang kanyang gobyerno ng P3.2 bilyon kada buwan dito.
Sa tradisyunal sabong kasi mga kosa, ang mga sugarol na Pinoy ay magsisiksikan sa isang sabungan at kada umpisa ng sultada ay magsisigawan ang mga ito at magsenyasan gamit ang daliri sa mga kamay bilang tanda ng pusta nila. Siyempre, kapag nagsalpukan na ang dalawang manok, sigawan pa rin lalo na kapag tumama ang tari ng tinayaan nila na ‘‘meron o wala’’ man.
Ganun lang kasimple ang tradisyunal sabong na kung tutuusin ay paboritong libangan ng mga sugarol dahil 50-50 ang tsansa mong manalo. ‘Di tulad sa karera na kailangan mo munang manalo sa unang race na tinakbuhan ng aabot sa 10 kabayo tapos kapag nanalo ka kailangan mong mahulaan pa ang kasunod na race na marami ring kabayo ang tumatakbo. Sa iba namang palaro ay maliit din ang tsansa mong manalo, di ba mga kosa? Mismooooo! Hak hak hak!
Kaya maraming Pinoy ang nagkahumaling sa sabong dahil sa nalilibang sila sa laban at kalimitan paos na sila sa kasisigaw pag-uwi nila. Dipugaaaaa!
Sa totoo lang, hindi naman bago ang laban na tiyope o ‘yung may daya sa sabong. Noon pa man ay isinisingit na ‘yan ng mga mandarambong na sabungero. Ang isang halimbawa ay kinikiskis ang tuhod ng manok na kinakapitan ng tari. Kaya sa paghampas ng paa niya sa kalaban, hayun pilay na kaagad pagbagsak niya.
Siyempre, ang may hawak ng dispalinghadong manok ay hindi sa hawak nila tataya kundi sa kalaban. Kaya lang may disgrasya rito. Kapag sa unang salpukan, tatama sa ulo ang tari ng dispalinghadong manok at patay kaagad ang kalaban.
Kalimitan ang may dala ng manok ay tataya ng abot langit sa kalaban at dahil wala silang pambayad ay magtakbuhan sila palabas ng sabungan. D’yan mahina ang gulpi sarado ang aabutin nila kasama na riyan ang makulong kapag minalas sila at walang pangpiyansa.
Subalit dito sa kaso ng 34 missing sabungeros, abaaaa tiyope rin ang lakad nila. Kaya lang, malufet ang sinapit nila dahil hindi lang bugbog ang inabot nila kundi nawala pa sila sa ibabaw ng mundo. Araguuyyyyy! Hak hak hak! Kaya tama lang ang desisyon ni BBM na ‘wag nang ibalik ang e-sabong. Mismooooo! Hehehe!
Kahit anong PR pa ang gagawin dito sa e-sabong walang palatandaan na mababago ang desisyon ni BBM, di ba mga kosa? Dipugaaaaa! Abangan!