Pagbabalik ng e-sabong gagawing kontrolado (Sabong News)
Author
Mer Layson
Date
AUGUST 23 2022
MANILA, Philippines — Para maibsan ang pangamba ng publiko hinggil sa mga negatibong epekto nito sa lipunan, gagawing mas propesyunal at kontrolado ang pinakahihintay na pagbabalik ng e-sabong sa bansa.
Ayon sa tagapangulo ng Gamefowl Affiliates of Pitmasters-Philippines Batangas na si Fermin Solis, naiintindihan niya na may mga batas na dapat sundin sa komunidad ng pagsasabong at dapat aniya itong masunod upang maipakitang propesyonal ang naturang industriya.
Sinabi rin ni Solis na malaki ang maitutulong ng pagiging propesyonal ng e-sabong sa mga beterinaryo, feed suppliers, at iba pang industriya dahil makapagbibigay ito ng hanapbuhay at kita sa iba’t ibang tao.
Para naman kay GAPP Bulacan President Maw Acierto, dapat kontrolado ang paglalagay ng pera sa e-sabong dahil dinisenyo ito upang maging hanapbuhay.
Dagdag pa niya, dapat magamit sa tama at responsable ang pera upang makita na propesyonal ang mundo ng sabong at hindi lang tulad ng kahit anong sugal.
Una nang sinabi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation na dapat na magkaroon ng independent regulator ang e-sabong dahil sa laki ng perang kaakibat nito.
Ilan sa mga regulasyong ipinapanukala ay ang pagkakaroon ng oras ng paglalaro at kontroladong pusta. Kaakibat din ng patuloy na regulasyon ang pagtaas ng tiwala at kumpiyansa ng mga tao sa naturang industriya.
Nasa P640 million kada buwan ang kinikita ng gobyerno mula sa e-sabong nitong 2022. Nakalikom ang PAGCOR ng P2.03 bilyon sa unang anim na buwan ng taon, ayon kay PAGCOR Chairman and Chief Executive Andrea Domingo.