‘Pistahan at Lamayan’ (Sabong News)
Author
Tony Calvento
Date
AUGUST 18 2014
SA gitna ng kasiyahan sa kanilang barangay may mga armadong katao ang lumapit sa mga nag-iinuman. “Pulis kami!” Pagkatapos walang puknat na putukan.
Apat ang tinamaan. Dalawang bata ang nadamay. Ang isa ay isinugod sa ospital habang ang isa ay may tatlong tama sa katawan. Wala na itong malay nang makita ng kapatid, gusto man niyang lapitan ay pinagbabawalan ito ng mga rumespondeng pulis. Nakilala ang lalaki na si Frutu Buna.
“Gusto ko lang alamin kung buhay pa ang kapatid ko para maagapan at madala sa ospital,” pahayag ni Avelino.
Sa Brgy. Hilabaan Dolores, Eastern Samar naganap ang nasabing insidente. Kwento ni Leope Diolola, 53 taong gulang, pinsan ng namatay na madaming tao nun, may sayawan at inuman dahil piyesta raw ng mga panahong yun.
“Umaga nung Hulyo 16, 2014 pumunta yang grupo ng mga pulis sa tupada. Nanghihingi ng pang-inom,” pahayag ni Leope.
Hindi raw nabigyan ng pera ang mga ito kaya’t nagalit at sinabing “Itigil yang sabong. Hindi dapat yan matuloy,” sabay alis. Ilang sandali ang nakalipas dumating ang negosyanteng si Joseph Estil at nag-utos na ituloy ang tupada.
Pagdating daw ng gabi, habang nagkakasiyahan ang mga tao, dumating daw muli ang pulis at hinahanap si Joseph Estil. Nang hindi ito makita basta na lang daw nagpaputok ang mga ito.
Para mas maisalaysay ang nangyaring insidente tinawagan namin ang mismong kapatid ni Frutu na si Avelino. “Limang pulis ang dumating. Isa dun ay pinsan namin na si Marlo Catuday,” wika ni Avelino.
Konti pa lang ang nababawas sa iniinom na alak ng grupo ni Frutu nang dumating ang mga nakasibilyang pulis. Mga 9MM daw ang dala nilang baril. Narinig niyang tatlong beses nagpaputok at marami ang mga ito.
“Tatlong tama ang tinamo ng kapatid ko. Sa kamay, sa balikat at sa kanang dibdib na tumagos sa puso,” ayon kay Avelino.
Wala raw sinabi sa kanila kung ano ang naging dahilan ng pamamaril. “May mga walang laman na magasin ng baril kaming nakita. Isa ako sa mga nagtuturo kung nasaan ang mga basyo. Yung magasin hindi naisama sa mga ebidensiya kasi pinagka-interesan ng mga pulis,” kwento ni Avelino.
Ilang araw matapos ang insidente, nagsadya ang asawa ni Frutu sa stasyon ng pulis ngunit hindi siya binigyan ng hinihinging ‘police blotter’.
Giit ni Avelino gusto nilang ibang pulis ang mag-imbestiga ng kaso dahil hindi nila sigurado kung ano ang kahihinatnan ng kaso kung taga Dolores Municipal Police Station lang ang humawak nito.
Makalipas ang ilang araw mismong si Leope na ang nagsadya sa stasyon ng pulis sa Samar. Batay sa kanyang nakuhang police blotter ang mga pulis na rumesponde ay sina PO3 Eladio Rivera Jr., PO2 Peter Gerald Lazara, PO2 Marlo Catuday, PO1 Roy Arnold Robredillo at PO1 Michael Ramirez.
Habang nagsasagawa raw ng ‘preventive patrol’ kaugnay ng piyesta sa Brgy. Hilabaan, nakarinig sila ng dalawang putok ng baril. Naalerto ang mga pulis dahil nakaalarma ito sa mga tagaroon at mga bisita. Makalipas ang ilang sandali nahanap ng mga rumespondeng pulis na nagmula ang putok sa grupo ng kalalakihan na nagkakasiyahan sa labas ng bahay ni Anastacio Monseda.
Nakita nila si Frutu na nakainom at hawak ang kalibre 45 na baril. Nagpakilala ang mga pulis. Ang sinasabing tao na may baril sa kamay ay nakilala nilang agent ng Military Intelligence Division (MID).
Ipinatago nila ang baril nito at pinatitigil sa pagpapaputok. Sa halip na pakinggan sila nagpaputok pa raw ito ng baril na nakatama sa hita ng isa nilang kasama. Nagtakbuhan ang mga pulis para sa kanilang kaligtasan. Nagpaputok sina Frutu at Rico Balanon.
Napilitan ang mga pulis na gumanti dahil ang buhay nila ay nasa kapahamakan. Naganap ang palitan ng putok. Matapos ang nangyaring barilan, napansin ng mga pulis na si Frutu ay nakahilata sa lupa habang sugatan naman si Rico. Ang mga kaibigan ni Rico ay agad na sumaklolo at dinala ito sa ospital. Ang hawak nitong baril ay nawala. Maging si Fruto ay dinala sa Casano Hospital ngunit naideklarang ‘dead on arrival’. Ang natamaang pulis na si Marlo Catuday ay ginamot din sa ospital na yun.
Ang mga ebidensiyang nakuha sa lugar ay isang .45 pistol ARMSCOR na may nakalagay na magasin at may apat na natirang bala sa loob, pitong basyo ng bala ng .45, labing anim na basyo para sa 9MM at isang piraso ng tingga para sa kalibre 45.
Amin ding kinapanayam ang kasama sa inuman ni Frutu na si Jerry Fajano o “Apang”. Salaysay niya may dalawa raw pulis na lumapit sa kanilang kinaroroonan. Nakalabas na ang mga baril at pagkatapos magpakilala bilang pulis nagpaputok na raw ito ng mga baril.
“Hindi po siya nagpaputok ni isa. Alam ko may pag-aari siyang baril dahil miyembro ng MID yan,” wika ni Apang.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Leope.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi ba ninyo napapansin na parang hindi kumpleto ang piyesta kapag walang gulo? Pati piyesta ng patay may mga insidente ng karahasan.
Bakit? Kasi nagkalat ang alak at mga epal na tao na kapag lasing na away ang hanap.
Kung may katotohanan ang lahat ng kwento nila sa amin hindi dapat nila inilalagay sa kanilang mga kamay ang batas. Kung nakita nilang nanggugulo itong si Frutu dahil sila’y mga pulis maaari nilang arestuhin ito agad at kasuhan ng pagpapaputok ng wala sa lugar o (Illegal discharge of firearms).
Sa kabilang banda maaari namang dahil nakainom na itong si Frutu ay naging maangas ito sa pagsagot sa mga pulis. Una siyang nagpaputok at gumanti lamang ang mga pulis.
Pinsan pa nila ang isa sa mga pulis. Hindi naman siguro basta ito magpapaputok ng walang dahilan lalo pa’t kamag-anak niya ito.
Maari rin puntahan ng pulis ang isa pang nabaril na kasalukuyang nasa ospital upang kunan ng salaysay kasama ng ilang pang testigo. Maganda ring kumuha ng sertipikasyon mula sa Firearms and Explosives Division ng PNP-Camp Crame upang malaman kung kanino nakarehistro ang mga baril. Sumailalim ba sa ‘parrafin test’ itong biktima?
Mga pulis sa kanilang lugar ang sangkot dito kaya’t ini-refer namin sila kay PSSupt. Rudy Lacadin, Deputy Director for Operations ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang malipat ang imbestigasyon ng kaso.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang
at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038