Mga askal sa India, nagkulay asul dahil sa matinding polusyon sa ilog (Sabong News)
Author
MGA PANGYAYARING KAGILA-GILALAS
Date
AUGUST 16 2017
ILANG mga asong kalye o askal ang nakatawag ng pansin sa isang lansangan sa Mumbai.
Naging matingkad na asul kasi ang kulay ng mga aso matapos uminom at maligo ang mga ito sa isang ilog na malapit doon.
Itinuturo ang matinding polusyon sa Kasadi River bilang sanhi ng pag-iiba ng kulay ng mga aso. Ginagawa kasi itong tambakan ng kemikal ng mga kalapit na pabrika.
Hindi pa malinaw kung ano mismong kemikal ang nagbigay ng kulay asul na kulay sa mga aso ngunit hinihinalang pampakulay na gamit sa paggawa ng sabong panlaba ang humawa sa mga hayop.
Matagal nang hindi angkop para sa tao ang tubig ng Kasadi River dahil sa dumi nito. Ayon sa mga pag-aaral na isinagawa sa ilog, tinatayang 13 beses na mas malala ang taglay nitong polusyon mula sa “safe limit.”
Nagpahayag naman ang Maharashtra Pollution Control Board, ang tanggapang nagbabantay sa lebel ng polusyon sa lugar, na iligal ang pagtatambak ng kemikal sa ilog at inatasan na raw nila ang kanilang mga tauhan na imbestigahan ang pangyayari.