4 pulis, sundalo, 5 pa arestado sa online sabong (Sabong News)
Author
Joy Cantos
Date
MARCH 18 2018
MANILA, Philippines — Arestado ang apat na pulis, isang sundalo at lima pang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pinagsanib na mga elemento matapos na maaktuhang nag-o-online illegal cockfighting sa isang restaurant sa Baliwag, Bulacan nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni PNP-CITF Chief P/Sr. Supt. Jose Chiquito Malayo ang mga nasakoteng parak na sina PO1 Jestoni Fuentebella, nakatalaga sa Provincial Mobile Force Company ng Bulacan Police, PO1 Jeffrey Mateo, nakatalaga sa Angat Municipal Police Station (MPS), PO1 Emmanuel Leonardo, nadismis noong 2011 at PO3 Nolasco Bernardo Juan, nakadestino naman sa Police Regional Office (PRO) 3 sa Camp Olivas, Pampanga.
Ang nahuling sundalo ay kinilala namang si Pfc Enrique Quinaquin Jr, aktibong kasapi ng Philippine Army.
Nasa limang lokal na opisyal rin ng ilang bayan sa Bulacan ang nasakote bagaman hindi muna pinangalanan ang mga ito habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Inihayag ni Malayo na nasa 139 pang mga sibilyan ang inaresto at patuloy na iniimbestigahan kaugnay ng pagkakasangkot sa online gambling.
Ayon kay Malayo, dakong alas-9:45 ng gabi nang ikasa ang operasyon laban sa illegal gambling matapos makatanggap ng ulat na may mga pulis, sundalo at maging mga LGU’s na tumataya sa online cockfighting sa nasabing restaurant.
Patuloy ang masusing imbestigasyon sa mga nasakoteng pulis, sundalo at mga lokal na opisyal kaugnay ng mahigpit na direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa mga itong masangkot sa pagtaya at pagbibigay proteksyon sa anumang uri ng illegal gambling.