EDITORYAL - Perang natanggap, nilustay lang sa sabong at alak (Sabong News)
Galit si President Duterte nang atasan ang Department of Interior and Local Government (DILG) na magsagawa ng pag-iimbestiga sa balitang may mga residenteng nakatanggap ng pera sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ay ginastos lamang sa pagsusugal at pag-inom ng alak. Sabi ng Presidente, huwag bigyan ng tulong ang mga taong ito. Wala aniyang karapatan ang mga taong ito na makatanggap ng tulong mula sa pamahalaan. Nilalabag umano ng mga ito ang Enhanced Community Quarantine (ECQ). Ayon pa sa Presidente, kasuhan ang mga mapapatunayan at alisin ang pangalan ng mga ito sa listahan ng mga tatanggap ng tulong.
Nararapat lang ang utos na ito ng Presidente. Huwag tulungan ang mga taong ang perang natatanggap mula sa gobyerno ay pinang-iinom ng alak, at ipinangsusugal. Walang karapatang tumanggap ng tulong na pinansiyal ang mga ganitong tao na sa halip gamitin para ipambili ng pagkain para sa pamilya ang natanggap na pera ay sa sugal at alak inilaan. Sobra na ang ganitong ugali ng ilang Pilipino na sa halip makatulong ay nagdudulot pa ng problema sa bansang sinasagasaan ng pandemic crisis. Tuliro na ang gobyerno sa paghanap ng pondong gagamitin para maipagkaloob sa mamamayan pero ang ilan, binabalewala ang ginagawa ng mga pinuno.
Maraming lumalabag sa ECQ at tama lamang na huwag nang ayudahan ang mga ito. Hindi sila marunong sumunod at balewala ang ginagawa ng pamahalaan. Sa kabila na may ECQ, may naaktuhang nagsasabong sa loob ng Manila North Cemetery at sa Valenzuela City. May nahuling nag-iinuman sa isang bayan sa Bulacan. May mga babaing nagbibinggo sa isang mahirap na lugar. Lahat ng mga taong ito ay nakatanggap ng tulong na P5,000 hanggang P8,000 at meron pang relief goods.
Higpitan pa ang pagpapatupad ng ECQ. Hindi dapat masayang ang nasimulan na paglaban sa coronavirus. Ikulong at sampahan ng kaso ang ang mga lumalabag. Huwag ambunan ng tulong ang mga pasaway.