‘Women’s dignity kits’ ipamimigay sa Marawi (Sabong News)
Author
Malou Escudero
Date
JULY 15 2017
MANILA, Philippines - Dahil karamihan ng mga ‘bakwit’ ng Marawi ay kababaihan at paslit, nanawagan kahapon si Senador Sonny Angara sa gobyerno na magsagawa ng mandatory distribution ng “women’s dignity kits” sa mga evacuation centers.
Ibinase ng senador ang panawagan sa nilalaman ng Administrative Order (AO) 2016-05 ng Department of Health na nag-oobliga sa pagkakaloob ng Minimum Initial Service Package (MISP) sa kababaihan sa panahon ng sakuna at kagipitan.
Ang tinatawag na “dignity kit” ay naglalaman ng 22 bagay na kinabibilangan ng sabong pampaligo, sabong panlaba, sepilyo, toothpaste, mga panty, bra, pasador o napkin, shampoo, bimpo, tuwalya, tsinelas, tissue paper at bulak.
Sa ilalim ng AO 2016-05, kailangang naglalaman din ng isang malong ang kit. Ang malong ay isang uri ng tradisyonal na kasuotang pang-Muslim na naisusuot ng kapwa babae o lalaki.
Ang naturang kautusan ay ipinalabas ni Health Secretary Janette Garin nitong Pebrero 2016 na nagpapatupad sa mga probisyong nakapaloob sa RA 9170 o ang Magna Carta for Women at ang RA 10354 o ang Responsible and Reproductive Health Bill.
Nag-ugat ang panawagang ito ni Angara matapos iulat ng isang ahensya ng United Nations na umaabot na sa 18,000 kababaihan ang lubhang apektado na ng digmaan sa Marawi.
Sa naturang bilang, 11,500 ang kumpirmadong buntis, bukod pa sa mahigit 7,000 babae na nanganak sa evacuation centers.
Nalalagay din aniya sa alanganin ang kaligtasan ng mga sanggol na ipinanganganak sa evacuation centers kung saan sinasabing ang unang 1,000 araw ay napakahalaga at kailangang pagtuunan ng pansin.
Sa kasalukuyan, tinatalakay sa Senado ang naturang panukalang batas na “First 1,000 Days Program Bill” para na rin sa kapakanan ng mga babae at bagong silang na sanggol.
Ang panukalang ito ang sisiguro sa kalusugan ng mga sanggol mula sa sinapupunan hanggang sa kanilang ikalawang taong gulang.