Sibakin ang 5 pulis na dumukot at pumatay sa online seller — Eleazar (Sabong News)
Author
Doris Franche
Date
AUGUST 10 2021
MANILA, Philippines — Nais ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar na sibakin sa serbisyo ang limang pulis mula sa lalawigan ng Nueva Ecija na pawang mga sangkot sa pagdukot at pagpatay sa online seller noong nakaraang buwan.
Pinamadali na ni Eleazar sa PNP Internal Affairs Service (IAS) ang summary dismissal proceedings laban sa mga suspek na sina SSgt Benedict Matias Reyes; SSgt June Malillin; Cpl Julius Alcantara; MSgt Rowen Martin; at SSgt Drextemir Esmundo.
Nasa kustodiya na ng pulisya sina Reyes, Mallilin, Alcantara at caretaker na si Dario Robarios habang pinaghahanap sina Martin, Esmundo at sibilyang si Franklin Macapagal alyas Kelly na kumatagpo sa biktimang si Nadia Casar.
Sa pahayag ng Grab driver, may idineliber umano si Casar noong July 20 kay Macapagal sa Sta. Rosa, Nueva Ecija at agad ding umalis matapos ang transaksiyon, subalit ilang metro pa lamang silang nakakalayo ay hinarang sila ng limang armadong kalalakihan na sakay ng isang pick up at motorsiklo.
Piniringan at dinala sila ni Casar sa isang safehouse hanggang palayain siya ng mga suspek kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na humingi ng tulong sa PNP-Anti Kidnapping Group.
Natagpuan ang sinunog na bangkay ni Casar sa Sitio Pinagpala, Barangay Imelda Valley, Palayan City, Nueva Ecija at narekober na rin ang sasakyan na ginamit ng mga suspek na pulis.
Pinabeberipika din ni Eleazar ang report na ilan sa mga pulis na ito ay sangkot umano sa online sabong kaya’t naghahanap ng iligal na paraan para kumita ng malaking halaga ng pera.