Hindi nga terorismo, lugi naman ang turismo (Sabong News)
Author
BAKAS!
Date
JUNE 06 2017
MARAMING katanungan at pahapyaw na mga sagot sa kung ano talaga ang tunay na dahilan kung bakit nagawa ni Jessie Carlos ang karumal-dumal na krimen sa Resorts World Manila noong Biyernes ng madaling araw. May mga nagsasabi na naaburido ito dahil sa pagkalubog sa utang at pagkawasak ng pamilya dahil sa pagkagumon nito sa sugal na pangkaraniwan nang nangyayari sa isang addict sa sabong at casino tulad ng bugok na taong ito.
Dapat din namang alamin ng mga imbestigador ang mas malalim na dahilan sa nagyaring krimen noong gabing iyon na baka may pinag-umpisahan o pinagmulan ang lahat bago pa naganap ang krimen. Kung sinu-sino ang huli niyang nakasama ay dapat alamin ng kapulisan. Ang panununog na walang intensiyon ng pagpatay kahit may dala itong baril ay isang malaking katanungan sa ngayon. Kung talagang suicidal o paghuhuramentado, lahat sana nang madaanan nito ay pinagbabaril na niya.
Dapat kapain ng PNP ang angulong pressure kay Carlos dahil sa pagkakautang o dili kaya ay kung may iba pa ba siyang dahilan bago pa siya sumugod sa casino? Bakit mag-iisip itong magnakaw ng chips? Kanino niya plano ibigay o ibayad? Baka may connection sa financier ito na sanay tumanggap ng chips bilang bayad-utang di ba? Ang pagsusunog na ginawa nito ay malamang na planado para pagtakpan ang gagawing pagnanakaw sa safery vaults ng casino na posibleng “negotiable”sa kausap nito. Bagama’t matalinong tao, nawala sa sarili ang bugok na si Carlos dahil sa dami ng problema.
Ang casino ay lugar ng kaimoralan at kasakiman. May mga usurerong nagpapautang ng pera, nagbubugaw ng magagandang babae at hindi malayong may droga rin dito.
Maari rin naman na may mga hoodlums na tagasingil sa balasubas mangutang na puwedeng maglagay sa pagkalito at nerbiyos kung malalim na ang mga pagbabanta sa pagkatao nito dahil sa utang.
Magkasunod na krimen ang nangyari ng gabing ‘yun na kinamatay ni Atty. Elmer Mitra na anak ng isang Pasay City prosecutor at Alvin Cruzin na isang ex-MPD policeman na hinihinalang binaril ng kasama nila sa kotse na may taas na 5’9” at tumakas matapos ang pagpatay. Ang mga nasawi ay kakilala at nakasalamuha diumano ni Carlos ayon sa mga nakakakilala sa kanila at nagkataon, na sa loob ng gabing iyon ay pare-parehong hindi nakadalo sa regular nilang pagpupulong at naging iisa ang naging kapalaran.
BAKAS sa RADYO LA VERDAD 1350 Khz AM Band tuwing Sabado 5:00-7:00 p.m.