PAGCOR: 2 kumpanya pa lang ang pinapayagan sa sabong online (Sabong News)
Author
Mer Layson
Date
MAY 10 2021
MANILA, Philippines — Nilinaw ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na dalawang kumpanya pa lang ang pinapayagan nila na magpalabas ng sabong online sa kabila ng paglipana ng mga iligal na e-sabong ngayon sa internet.
Sa isang radio interview, sinabi ni PAGCOR chairman Andrea Domingo, na tanging ang Lucky 8 Starquest ni Atong Ang at Belvedere Corp. naman ni Bong Pineda pa lang ang may lisensya para magpalabas ng sabong online.
Ayon kay Chairman Domingo, “limang kumpanya ang nag-apply ng license pero yung Lucky 8 at Belvedere pa lang ang nagbayad ng performance bond na 75 million pesos each.”
Napag-alaman na ang mga kumpanyang, “Encuentro”, “Magnus”, at “Oriental Capital Venture” ay hindi pa nagbabayad ng mga kaukulang fees at taxes kaya hindi pa pinapayagang magpalabas ng sabong sa kanilang website, ayon kay Domingo.
“Nakikipag-ugnayan na kami sa PNP na hulihin ang mga online sabong sites na wala pang mga lisensya,” ani Domingo.
Ilan umano sa mga illegal online sabong websites ay ang kingsportslive.com at ang sabonginternational.com.
“Ang e-sabong ang major source ng funds namin sa ngayon dahil nagsara nga ang mga casinos due to covid,” paliwanag ng PAGCOR chairman.
Napupunta sa social funds ng Pangulo na ibinibigay naman daw ni Pangulong Duterte sa mga ospital at ayuda ngayong pandemya.