PH Dragon Boat Team humirit sa IATF na makapagpraktis (Sabong News)
Author
Aileen Taliping
Date
OCTOBER 28 2020
Hiniling ng Philippine Dragon Boat Alliance (PDBA) sa Malacañang na payagan silang makapag-ehersisyo at makapagsanay gaya ng pagpayag sa larong basketball at sabong.
Ang kahilingan ay ipinaabot ng PDBA kay Presidential Spokesman Harry Roque matapos bahagyang magluwag ang gobyerno sa ipinaiiral na commununity quarantine sa Metro Manila at sa ibang bahagi ng bansa.
Sinabi naman ni Roque na supporter siya ng Dragon Boat Team kaya pinayuhan ang grupo na sumulat sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases para mapag-aralan ng technical working group (TWG).
“I’m one of the supporters of the Philippine Dragon Boat Team, so ang advice ko sa kanila, sumulat sila formally sa IATF at aaktuhan ito. Ire-refer ito sa TWG at magkakaroon naman sila ng desisyon,” ani Roque.
Binigyang-katwiran ng kalihim kung bakit pinayagan ang practice sa basketball kahit may quarantine, ay sa dahilan aniyang ang pasilidad para mag-ensayo ay walang ibang taong pumapasok kaya maliit ang tsansa na makontamina ng COVID-19.
“Ang pagkakaiba kasi sa basketball, iyong naaprubahan natin ay nasa bubble, iyong facility walang ibang papasok, walang lalabas so nasa bubble sila,” dagdag ni Roque.
Kung pag-eehersisyo aniya ang pag-uusapan ay posibleng maikonsidera ng IATF kaya dapat na sumulat ang PDBT.