LGUs handa na sa pagbabakuna (Sabong News)
Author
BANAT NI BATUIGAS
Date
JANUARY 30 2021
KASADO na ang local government units (LGU’s) sa mga lugar na pagdarausan ng vaccination ng COVID-19. Ang hindi pa lamang matiyak ay kung kailan darating ang mga bakuna. Sabi ni vaccine czar Carlito Galvez maaaring sa Pebrero darating ang unang batch ng bakuna. Kaya maraming kababayan natin ang nag-uurong-sulong kung magpapabakuna ba sila o hindi dahil sa epekto ng gamot na ituturok sa kanila.
Sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque ang unang tuturukan ay ang mga health workers, mga pulis at sundalo. Sunod ay ang mga mahihirap na mamamayan. Subalit kung nakalista ka nang turukan at umatras ka tiyak na malalagay kang pinaka-kulelat sa iskedyul dahil ang dapat na ituturok sa iyo ay ibibigay na lang muna sa walang atubiling magpabakuna.
Kaya sa ngayon, hati ang mamamayan sa pagpapabakuna. Malalaman ‘yan kapag nandiyan na ang bakuna kontra COVID-19. Hindi naman ito ipu-programa ni President Duterte kung hindi naipapasa sa pagsusuri ng Food ang Drug Administration (FDA) na ligtas gamitin ang bakuna. Bawal munang alamin ang halaga ng bakuna na binili ng pamahalaan dahil umano sa sekretong transaksyon na napagkasuduan sa mga nanufacturer ng bakuna, he-he-he!
Samantala, pumasa na sa House of Representatives na patawan ng 5% porsiyentong tax ang kikitain sa online sabong. Taas-kamay rito si Atong Ang sa naging desisyon ng House dahil malaking halaga ang mapupunta sa kaban ng bayan. Magagamit ito ng gobyerno na kinakapos na ng pondo dahil isang taon na ang pandemya.
Bilyun-bilyong piso ang kakamalin ng pamahalaang Duterte at malaking halaga ito upang makabili ng bakuna kontra COVID-19. Subalit bago ito maisakatuparan kailangan munang rebisahin ng Senado ang 5 percent tax sa online sabong. Kaya dapat madaliin ang pagrebisa ng Senado upang mapabilis din ang pag-agos ng pera mula sa sabong, he-he-he!
Kahit super ingay ang sambayanan sa illegal na operasyon ng sabong sa online gaming tuloy-tuloy pa rin ang mga tusong gambling operators sa bansa. Kaya habang nag-uurong sulong ang mga ito at naglilinis-linisan sa illegal na operasyon ng online sabong, tuloy ang agos ng pera sa kanilang mga bulsa.
At ngayon na umayon na rito ang House dapat lamang na amyendahan narin ito ng Senado upang mapermahan na ni President Digong ang batas na 5% tax. Ito na kaya ang magiging kasagutan sa paghihimutok ni Atong Ang na ginigiba umano siya ng mga big time online sabong operators na taga-Mindanao at Central Luzon? Abangan!